Showing posts with label blogger. Show all posts
Showing posts with label blogger. Show all posts

Wednesday, January 26, 2011

Ano Daw?



Una, nais kong magpasalamat kay nyabachoi sa paggawad sa akin ng award na ito.  Sya ang unang nagbigay nito.  Pero dahil sa tagal kong hindi nakapagpost, may dalawa pa uli na nagbigay ng parehas na award; sina leonrap at superjaid.  Salamat sa inyong lahat! XD  Pero sa totoo lang, naguguluhan talaga ako kung bakit "stylish" ang kategorya/pangalan ng award.  Hindi ko alam kung alin ang stylish sa akin / sa blog ko / sa pagsusulat ko.  Wala naman kasi.  Hindi ako nagrereklamo ha, kapal naman ng muka ko kung tatanggihan ko ang award, hahaha, kahit best actor award pa yan, o supporting actor, tatanggapin ko parin yan.  Medyo naguluhan lang talaga ako.

Ito daw ang rules sa pagtanggap ng award:
  • Thank and link back to the person who gave you this award
  • Share 7 things about yourself
  • Award 15 recently discovered great bloggers
  • Contact these bloggers and tell them about the award

Muka namang walang kinalaman ang "stylish" sa rules ng award, so ipapasa ko na lang ito sa mga bloggers na madalas matambay dito o madalas kong tambayan ang blogs.  Sa madaling salita, ibibigay ko ito sa mga madalas kong makita dito at sa madalas kong bisitahin (kahit na hindi bumibisita dito).

Game...

7 things about myself:
  1. Tamad ako sabi ng marami.  Naniniwala naman ako dahil madami rin silang ebidensya.
  2. Mahiyain ako.  Mas madaldal ako sa email/blog/facebook (yan lang ang meron ako) kesa sa personal.  Nahihirapan ako makisalamuha sa mga bagong kakilala.
  3. Madami akong kayang gawin, pero hindi ako naging dalubhasa sa kahit anong larangan.  Mediocre-level lang lahat.  Sa ngayon, nahihilig ko sa pagpinta.  Siguro sa March iba naman.
  4. ABS-CBN talent ako noong araw. Sumali ako sa himig handog love song na pakulo ng abs-cbn noong 17yo ako. Syempre, hindi ako nakasama sa finals.  Semis lang.  Sumali din ako sa GAMEKNB.  Hindi rin ako pinalad.  Sira kasi ang detector ng napwestuhan ko (o feeling ko lang).
  5. Nagsimula akong mag drive ng kotse sa edad na sampu.  Washing machine ang una kong nadisgrasya.
  6. Ex ko si Maja Salvador.  Syempre joke to.  Hindi ko sya sinagot.
  7. Feeling ko tumatalino ako pag nakakakain ako ng chocolate.  Directly proportional ang pagtalino at pagchubby ko. Alam mo na ang mangyayari pag pumayat ako - lalala ang kondisyon ko.  (nakakatawa ang salitang "lalala".  isang tunog lang na pinaulit-ulit.  parang yung tanong lang na "bababa ba?"  parang sina sitsiritsit-alibangbang lang ang nag-uusap.)
At ang mga pagbibigayan ko ng award na ito ay sina:

Errr.... yung mga nasa blogroll ko sa gilid. XD  Sorry kung hindi ko sinunod ang rules.  Hindi naman talaga ako mahilig sumunod sa mga ganitong pakulo, pero nagpapasalamat parin ako.  Hindi ko pa naaupdate ang blogroll ko, kaya wag sanang magtampo kung wala pa ang link ninyo sa gilid.  Pasensya na, naisin ko mang-ilagay at isa-isahin kayong lahat eh gahol ako sa oras.  Busy mode kasi ako ngayon.  Isiningit ko lang talaga ang post na ito sa busy sched ko para pasalamatan ang tatlong tao na nagbigay nitong award sa akin.  Ngayon lang din kasi ako naging busy simula noong nagresign ako sa trabaho noong nakaraang taon, sana ay maintindihan nyo.  May pagkakataon kasi ako ngayon na gumawa ng kaperahan, kaya syempre sinasamantala ko na.  Masisisi nyo ba ako?  Dapat lang hindi! XD haha

Siguro espesyal na pasasalamat nalang kala maldito, glentot, lio, jobo, ms.N, jag, jepoynyabachoi at sa iba pa na madalas mapadpad dito at/o madalas kong bisitahin at makaututang dila.  Sa kanila ko kasi minsang nadama na may kausap ako sa blogosperyo.  Iba kasi yung nag-iiwan lang ng komento sa nakikipag-usap.  Marami pa akong gustong banggitin na bloggers, pero sa susunod na lang, sana ay walang magtampo dahil lahat naman kayo ay espesyal sa kidneys ko.

Salamat din pala kay jobo  (dalawang beses ko na nabanggit ang pangalan mo kaya may bayad na 'to!)sa pag nominate sa akin sa kategoryang friendliest blogger sa The Annual Blog Awards.  Syempre, hinding-hindi ako mananalo doon sa dalawang punto; una, hindi naman ako friendly, pangalawa, konti lang ang talagang nakakaututang dila ko, sa makatuwid - walang boboto.  Binoto lang nya ako para makahirit sya ng painting, in short hindi bukal sa kalooban nya ang ginawa nyang pag nominate.  Sorry, pero hindi ka nagtagumpay.  Hahaha. XD

Na-miss ko ang pag bloghop.  Babalik din ako, siguro next week, pag maluwag na ang oras ko.  Mag baback-read ako ng bonggang-bongga.

Salamat everyone!

Byerts! XD



Friday, January 7, 2011

Dear Bloggie, kaya pa? XD

[Busy-busyhan mode nitong mga nakaraang araw kahit wala naman talagang ginagawa] 

Noong isang araw, habang ako eh abala sa kung ano, narinig ko si mama na sumisigaw - si tita mo!  Nagulat naman ako, di ko alam kung ano nangyari, at sinong tita ko ang tinutukoy nya.  Nanonood pala si mama ng Eat Bulaga, at doon pala nya nakita si tita na hindi ko na papangalanan dito.  Sumali pala yung tita ko dun sa Juan for all - shit ng Eat Bulaga, at nanalo sya ng 10K (alam mo yung pakulo na may dadalhin ka na kung anong bagay tapos tatayo ka dun sa pila na de-numero, tapos bubunot sa studio ng numero at ang mabubunot ang maswerteng mananalo?  ayun yown).  Nanay ko talaga oh, kung makapagreact naman akala mo sya ang nanalo ng pera.  Syempre lumapit naman ako agad sa tv, bihirang pagkakataon kasi na makakita ako ng kakilala o kamag-anak sa teevee...oo, aaminin ko, medyo naexcite din ako.  Confiiirrmed, si tita nga, at may bitbit pa na tatlong plastic bottles, flashlight, at ulam - kapalit ng sampunlibong piso.

Swerte ni tita, pero sa totoo lang, sana ibang tao nalang ang nanalo.  Wala akong inggit o galit sa kanya ha, hehe (close kaya ako sa kanya), ang akin lang kasi, mas maraming  nangangailangan ng sampunlibong piso doon sa lugar nila higit sa kanya.  Marami na kasing pera si tita, bukod pa sa water refilling station at mga pampasaherong jeep niya, at sa mga pinapasadang taxi at pinaparentahang eroplano.  Pampasweldo nya lang sa mga katulong nila ang sampung libo na iyon eh (biro lang tita...peace, hehe). Joke lang yung taxi. Pero ok na rin na nanalo sya.  Mainam din naman ang ay may extrang cash.  Joke lang din yung eroplano, syempre.

Nagtanong naman si bunso, kailan daw kaya pupunta sa lugar namin ang Eat Bulaga.  Mukang hindi ata narinig ni bunso ang tanong nya.

Bago ko pa makaligtaan -
HAPPY ANNIVERSARY YFFAR'S WORLD!

Dear Bloggie,

Dalawang taon na rin tayong magkapiling sa sangkablogosperyohan, akalain mo yun?!  Sa lahat ng datkom ko simula noong 2005, ikaw lamang ang nagtagal ng dalawang taon, kahit na madalas ay hindi sapat ang oras at atensiyon na ibinibigay ko sayo.  Pero, napansin ko, may mangilan-ngilan naring tao na dumadalaw sa iyo! :-)  Dati kasi, tanda mo, parang tayong dalawa lang ang nag-uusap dito at muka tayong tanga.  Kung sabagay, 'yon naman talaga ang layunin natin noon diba, ang bumuo ng mundo na para sa atin lamang dalawa, kalakip ng lahat ng ka-emohan at kabiguan natin sa buhay?  English pa nga ang medium natin noon at iisang tao lang ang dumadalaw sa atin, kaibigan ko pa sya, at hindi pa sya nag-iiwan ng comment, haha..  Panay negavibes kasi tayo noon eh kaya walang gustong tumambay.  Pero hindi na ngayong taon. XD  (at talaga namang siningitan ko pa ito ng liham para sa iyo)

Oh sya, tama na ang pakikipag-usap ko sa sarili.  Sa totoo lang, masaya ako dahil dalawang taon na ang kuta ko at mukang magtatagal pa ito (kaya mo pa diba?), lalo na ngayong meron ng limang tao na napapadpad dito paminsan minsan (yey).  Maraming salamat sa inyong lahat!  Pagpasensyahan nyo na kung minsan (o madalas) ay masyadong mahaba ang aking mga komento sa blogs ninyo.  Nasabihan na kasi ako minsan na para daw akong gumagawa ng blog sa blog ng iba, haha, sorry naman. Iniiwasan ko na iyon ngayon.  Nais ko ring humingi ng paumanhin kung sa inyo ay tunog-nagmamarunong ako  sa pagbibigay ko ng komento sa inyong posts.  Opinyon ko lang naman (at kung minsan ay sarili kong karanasan) ang aking binibitiwan sa comment box, isang paraan ng aking pagpapahayag kung sang-ayon ako, o kung nagustuhan ko man o hindi ang nabasa ko sa inyong datkom.  Sana ay huwag masamain kung magbanggit ako ng ilang bagay na taliwas sa ipinapahayag ninyo sa inyong posts.

Tuwiran ako kung magkomento, ngunit hindi ko kailanman intensiyon na makasakit ng iba, kaya LAGI kong pinipili ang mga salitang ginagamit ko.  Kung taliwas man ang komento ko sa anumang pahayag ninyo sa inyong post, hindi ito nangangahulugan na mas magaling ako kesa sa inyo kaya wag sana ninyong masamain.  Hindi bat mas mainam na makakuha ng komento na may talino at laman lalo na sa mga usaping seryoso, kesa makakuha ng mga komentong nakikipag-kiss-ass lang naman talaga  para lang makahirit ng "follow my blog naman po"?  Hindi ba?

Kaya rin siguro wala gaanong bumibisita dito - bukod sa boring ang mga pinaglalalagay ko, eh mahina pa akong makipag-kiss-ass sa ibang bloggers. :-(

May nagtampo kasi sa aking blogger at mukang tinanggal talaga ako sa kanyang blogroll nang dahil sa isang komento, hehehe.  Oo, napansin ko talaga ang pagkawala ng link ko dahil madalas akong mapagpad sa datkom nya.  Nandun 'yon dati pero biglang nawala, hehe. Pero hindi naman ako galit. 

Pasensya na kung hindi mo nagustuhan ang komento ko.  Hindi ako nagmamarunong at lalong HINDI ko sinasabi na mali ka sa iyong punto.  Nais ko lang naman na ibahagi ang aking pananaw tungkol doon.  Alam kong WALANG MALI sa binitiwan kong komento  (oh eto ha, wala itong bahid ng pagmamarunong at pagmamayabang.  Sinasabi ko ito ayon sa pagpapalaki sa akin ng mga magulang ko; sa kung ano ang alam kong tama at hindi.)  Hindi mali ang magpahayag ng pananaw kung sa maayos na paraan ito gagawin - na sa tingin ko eh ang ginawa ko.  Simpleng komento lang naman ang ginawa ko eh, nagkataon lang na taliwas ito sa nabanggit mo sa post mo.  Gayun pa man, humihingi ako ng tawad sa'yo.  Hindi ko alam na sensitibo ka pala sa mga taong sumasalungat sa iyong pananaw. At para hindi ka na mabadtrip sa aking matapat-at-bukal-sa-puso na mga komento - hindi na lang ako magko-comment sa blog mo.  Ayoko naman palaging "i agree" o "oo nga" na lang ang magiging komento ko sa blog mo.  Mahirap 'yon.

Sa mga napapadpad dito, maraming salamat sa inyong lahat. XD




Saturday, December 18, 2010

Entry para sa pakontes ni Lio Loco [oo, eto na yung title]


Ito'y hindi isang ordinaryong post. Bakit? Hindi ko rin alam. Haha, biro lang.

Ito kasing si Lio, may pakontes sa datkom nya. Hindi ako mahilig mag-abala sa mga ganitong kontes, lalo na kung kailangan pang gumawa ng isang post - in short, kailangan pang mag-effort. Haay. Pero, si Lio Loco ang nagpakontes eh. Kaya gow.

Hindi mo kilala si Lio Loco? Weh?

Noong nakaraang taon ko pa nasimulang subaybayan ang ating bida. Pero, hindi naman kasi ako mahilig mag-iwan ng komento noon sa mga blogs na nabibisita ko, kaya hindi rin ako nagkaroon ng pagkakataon na makaututang-dila itong si Lio noon kahit sa comment section man lang. Nitong nakaraang mga buwan lang ako naging aktibo sa pag-iwan ng komento sa mga nadadalaw kong blogs. English pa ang medium na ginagamit nya noon at talaga namang nakakabalinguyngoy itong basahin. Noong nag shift sya sa Filipino - ganun parin! Yung maka-nosebleed, naging maka-duguang-ilong lang. Tsaka hindi parin nawawala ang shit (and sort of) at Ttng maugat sa content ng datkom nya, haha.

Baka mag skip-read si Lio, kaya iiklian ko na lang ang intro at didiretso na ako sa tunay na paksa ng entry na 'to. At dahil gusto kong manalo ng hardbound na kopya ng kahit anong libro ni Chuck Palahniuk, at dahil magpapainom din sya pagkatapos ng buffet dinner sa HEAT sa Edsa Shangri La na libre din nya, sasali ako. (At alam kong nagreact agad si Lio sa sinabi kong hardbound at buffet dinner, LOL).  Kailangan daw sagutin ang tanong ni Lio para magkaroon ng entry sa paraffle. Sana lang ay mabunot ng ngipin ni lio ang entry ko sa grand raffle draw.

Ang Tanong: "Bakit Ako Nagbabasa ng Kung Anu-anong Shit sa Datkom ni Lio?"
Ang Sagot ko: Masama ba?

Yan na ang  entry ko Lio. Kulang ang sagot ko?

O sya, eto na, ang mga natatanging dahilan kung bakit ko binabasa ang mga panulat ni ssdd boy (in no particular order):

  1. Maangas. Oo, maangas ka Lio! LOL. Normally, galit ako sa maangas. Pero iba ang pagkaangas ni Lio. Yung angas na may karapatang mag-angas. 'Yon!
  2. Matalino. Parang laking united american tiki-tiki at batang promil si lio. Bihira ang mga bloggers na may tunay na talino sa paghahabi ng mga salita. At sa totoo lang, walang halong buladas, isa si Lio sa masasabi kong nakakabilib na bloggers. Rare, kumbaga.
  3. Challenging basahin ang mga panulat nya dahil nasusubok nito ang bokabularyo ng mga mambabasa.
  4. Interesante. Lalo na ang mga reviews nya ng pelikula, libro, atbp. Kahit na yung mga isyung hindi naman talaga ako interesado, kapag nakita kong ginawan ni Lio ng post, naeenganyo ako na basahin.
  5. Malalim at malaman ang bawat bato nya ng pangungusap. Pakiramdam ko, graduate talaga si Lio ng Kurso sa Malikhaing Pagsusulat (Creative Writing) sa isang mataas na unibersidad at nagpapa-low-profile lang sya.
  6. May puso. Dahil siguro inlabo sya ngayon. Eto nga oh, mamimigay pa sya ng apat na mamahaling libro sa pakontes na 'to! may painom pa at buffer dinner!  Ambait! XD
  7. Dahil minsan nya akong isinama sa nomination nya sa Top 10 Emerging Influential Bloggers na pakontes noong nakaraang taon.  Naging finalist pala ang entry nya na ito sa Pinoy Blog Awards last 2009. Sabi nya, "Yffar's World - para sa mantrang nakikita ko lang sa napakakonting bilang ng mga androids at drones sa lipunang walang bayag".  Nasabi ko nalang. "Weh?"   Napapadpad pala sya sa blog ko last year??? Isang taon ang lumipas bago ko nakita ang post nya, sa Google search ko pa nakita (salamat Google). Sa totoo lang, ni-hindi ko man lang nga naintindihan kung ano ang sinabi nya, hehe.
  8. Nahihiya akong sabihin na magka-wavelength kami, pero feeling ko talaga oo.
  9. Hindi ako magaling magmura, pero dahil madalas naman syang magsalitype ng katagang shit at iba pang salitang kauri nito sa blog nya, gumagaan ang loob ko dahil pakiramdam ko ay ginagawa nya ang hindi ko magampanang tungkulin. XD
  10. Dahil sikat na sya. At gusto kong dumikit sa mga sikat.
O, tama na yan!  Baka lumaki na masyado ang ulo mo, hehehe.  Kung hindi man ako manalo ng Palahniuk, kahit yung ika-siyam nalang ni Zafra na may pirma nya.  Sabi ko nga sa simula, ito'y hindi isang ordinaryong post, dahil bihirang-bihira akong pumuri ng ibang tao.  Pero dahil nararapat ka naman talaga bigyan ng papuri, at dahil narin may pakontes ka, eto ang sa'yo.  Hitting two birds with one stone, ika nga. XD 

O sya, byerts!



Thursday, November 4, 2010

Blogger Ako

Isang online-diary ang gusto kong mangyari noong nagsimula akong magbato ng titik sa blogosperyo. Plano ko kasi noon na, balang araw pag ako'y pumanaw, merong mababasa tungkol sa akin ang mangilan-ngilang tao na nagmamahal sa akin... kung paano ako namuhay at kung paaano ako tumugon sa mga bagay-bagay sa aking paligid. Hindi ko ninais na magsulat para ibida ang sarili sa mga taong hindi ko naman kilala, o para sa kung ano pa mang lohikal o hindi na rason ng ibang blogeryo. Ayaw ko nga noon na nababasa ng ibang tao ang aking blog. Para lang tanga, hindi ba? Pwede kang tumawa. Bakit nga naman ako gagawa ng blog sa internet, na abot-kamay ng sino mang may sapat na kakayahan at kaalaman sa computer, kung ayaw ko naman itong mabasa ng iba? Madamot ako noon, ayaw ko na malaman ng ibang tao ang mga nararamdaman ko, ang iniisip ko, at mga binabalak ko. Sa isip ko'y para lamang ito sa mga taong malapit sa akin. Sabi ko nga, gusto kong mabasa nila ito pag ako'y wala na. Wala naman kasi akong maipapamanang materyal na bagay sa aking mga mahal sa buhay, kundi tanging mga alaala ng mga pangyayari sa mga panahon'ng namuhay ako sa mundo. Tumagal ako ng limang taon sa pagbablog na walang masugid na tagasubaybay, at iilan lamang ang may alam - karamihan pa sa kanila ay napadpad lamang ng hindi sadya.

Hindi ako magaling magsulat sa tagalog, ganun din sa salitang ginagamit ko noon sa aking pinagtatrabahuhan. Pero sa kabila ng aking kakulangan sa kaalaman, at kung minsan ay lantarang paglabag sa batas ng balarila, sadya man o hindi, ng ating sariling wika at sa wikang frances (joke lang, ingles), minsan parin akong nangarap na balang araw ay makakapagsualt ako ng libro, na, katulad ng orihinal kong balak sa pagkakaroon ng online-diary, ay magiging alaala na maiiwan ko sa mundo. Pangarap lang naman iyon, at nananatili paring ganoon. Medyo bata pa kasi ako noong mga panahon iyon, lahat ng bagay ay gusto kong gawin, at ang pagsusulat ay kabilang sa medyo-may-kahabaan kong listahan. Sa sobrang dami ng nais kong gawin ay, sa totoo lamang, wala akong nagawa ng buo. Lahat ay hilaw at pangkaraniwan lang. Hindi na ako ngayon nanganggarap na makapag-sulat pa ng libro. Hindi naman sa sumuko na ako. Mangyayari na lang ang dapat mangyari. Nais ko lamang unahin, sa ngayon, ang ilang bagay na mas karapat-dapat unahin...mga bagay na naipagpaliban ko at hindi ko naituloy sa maraming dahilan. Isa pa, napag-isip-isip ko kasi na ang seryosong pagsusulat, sa ingles man o tagalog, ay labas talaga sa intelektuwal kong kapasidad. Bukod pa riyan, sadya akong tamad at mabilis mawalan ng gana matapos simulan ang isang bagay; isang hindi magandang katangian na dapat ko munang ayusin sa aking sarili. Nasabi ko na noon minsan na ako'y isang masamang magulang ng aking blog. Kung ang aking blog ay isang sanggol, malamang ay matagal na itong nailibing at naging pataba sa damo. Hindi kasi ako consistent sa pagbisita at pagbato ng akda sa aking blog. At gaya ng nakaugaliaan ko sa aking trabaho, palipat-lipat din ako ng blogsite. Ang una kong dalawang sites ay wala na - nagsara kasi ang yahoo 360 blogs ng hindi ko namamalayan. Hindi na tuloy ako nagkaroon ng pagkakataon na maisalba ang mga naitago ko sa aking orihinal na blogsite. May ilang pagkakataon na isang beses sa isang buwan lamang ako napapadpad sa aking sariling lungga. Bagamat ganito ako bilang blogeryo, nanatili parin akong aktibo sa pagbabasa ng mga dati ko nang sinusundang mga blogs, at ang karamihan sa kanila ay hindi alam na ako'y tagasubaybay. Ang internet ay isang malawak na mundo ng kaalaman. Maganda rin na source ng karunungan ang nilalaman ng isip ng ibang tao. Marami akong natututunan mula sa pagbabasa ng opinyon at karanasan ng mga kapwa ko bloggers, at totoo naman na napakaraming matatalinong bloggers sa mundo at marami dito ay mga pinoy. Bihira ako noon magbigay ng komento sa mga nababasa ko. Ang sa akin kasi dati - ang nasabi nila ay nasabi na. Period. Sumang-ayon man ako o hindi, hindi na iyon mahalaga. Hindi na ganito ang pananaw ko ngayon.

Bibihira nalang ngayon ang mga malulupit-ngunit-simple-at-hindi-sikat na bloggers.  Parami na rin ng paparami ang mga humor-blogs sa mundo. Dati, si Unkyel Batjay ng kwentongtambay.com at si Nanskii ng nanskii boi's wurld lang ang mga sinusundan kong humor blogs. Sa libro naman ay si Bob Ong (hindi ko nagustuhan ang mga huling libro nya, ewan ko lang ang bagong lalabas na ikawalo). Hindi pa sila gaanong sikat noon. Sa ngayon, marami parin ang magagaling, pero bihira nalang sa kanila ang hindi sikat. Pero ano pang magagawa ko, sikat na sila. Ang importante ay gusto ko ang nababasa ko, marami man akong kasabay na bumabasa o ako lang.  Pero patuloy parin ako sa paghalughog ng mga di sikat na bloggers.  Masarap kasi basahin ang mga sulat ng mga bloggers na wala gaanong tagasubaybay - nagiging mas tapat kasi sila sa mga nais nilang sabihin, walang bahid ng pagpapasikat, at hindi sumusunod sa kung ano sa tingin nila ang bebenta sa mata at panlasa ng mga mambabasa at ng mga posibleng mapapadpad sa kuta nila. Isang halimbawa ng seryosong blogger na tinutukoy ko ay si Tobey - ang may-ari ng wordgasm.com. Kilala ko kasi siya ng personal, kaya nasasabi kong ang blog nya ay isang buhay na patunay na maaaring maging extension ng buhay ng isang blogger ang kanyang blog.  Matalino sya sa personal, ganun din ang ganyang blog. Siya ang blog nya at ang blog nya ay sya. Siya 'yon. Puro...at walang halong pagpapanggap at pagpapasikat.

Marunong na akong mag-iwan ng komento ngayon. Dati kasi ay bihirang-bihira ako mag-iwan ng komento. May sarili akong mundo noon, at madamot ako sa kaalaman at impormasyon at pagbibigay ng papuri. Kamakailan lang, natutunan ko na isa pala itong magandang paraan ng pagpapakita ng "appreciation" sa isang kapwa-blogger. Parang isang pag-uudyok na "wag kang titigil sa pagba-blog" Ang totoo, galit ako noon sa mga tinatawag ko na mediocre-bloggers. Sabi nga nila, ang mga magnanakaw, galit sa kapwa magnanakaw. Sino nga ba ako para husgahan na mediocre ang kakayanan ng isang blogger o ang laman ng isang blogsite? Kagaya ko, maaaring ang nais lang nila ay ang makapaghayag ng mga bagay-bagay na hindi nila masabi sa mga tao ng personal, may kwenta man ito sa aking paningin o wala. Ganun naman ang lahat ng bagay, lahat ay may dalawang mukha. Maaring ang maganda at may saysay at nakakaaliw para sa akin ay isa lamang kabobohan para sa iba, at kabaligtaran. Isang bagay na natutunan ko sa pagbabasa ng mga blog ng iba - kung hindi mo gusto ang nabasa mo, kalimutan ito at humakbang pasulong. Parang pagbabasa lang ng libro, pag tapos na ang pahina, ipihit ito sa susunod, o di kaya ay isara na lang. Hindi naman kailangang pilasin ang libro o di kaya ay sunugin kapag hindi sumakto sa ating panlasa ang laman nito. Ang maaaring basura ni Pedro ay yaman ni Juan. Ano man ang nilalaman ng isang blog, malalim man ito at malaman, o mababaw lamang at matabang sa panlasa, lahat ng iyan ay pinag-isipan ng may akda.


AFTERWORD:

Blogger ako, nagpapahayag ako ng saloobin, at nirerespeto ko rin ang lahat ng aking kapwa blogger at mga sulatin nila, sang-ayon man ako o hindi, namangha man ako o nahikab, o tinapos ko man basahin o hindi. Hindi parin naman ako bigo sa orihinal kong dahilan kung bakit ako nagbablog. Dalawang buwan mula ngayon ay 2yrs na ang aking blogspot. Ipagpapatuloy ko parin ang aking online diary.

Bakit tagalog ngayon? Gusto ko lang ulit masubukan kung paano magsulat sa tagalog na may tamang pag-iingat. Sa katunayan, purong tagalog ang aking pinakaunang blog. Pero, bakit ko nga ba ito naungkat? Ewan. Hindi naman talaga importante kung tagalog o ingles ang panulat ko.

Umaga na, tama na. Byerts!




 

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails