[Aminin mo, sinubukan mong kantahin yung title] Sinubukan kong balikan ang huling post na ginawa ko noong nakaraang taon. Titingnan ko sana kung meron ba akong ginawang Christmas post o new-year-resolution-shitness o kahit ano tungkol sa pasko at bagong-taon, at kung nasunod ba ito o hindi. Wala pala. Balak ko pa ngang tuluyang patayin si bloggie noong mga panahong iyon. I-li-link ko sana dito sa post na ito ang ka-emo-han ko dati, kaya lang wag na, baka hindi mo pa tapusing basahin itong post na 'to. Napakaloser ko pala noong nakaraang taon - hanggang ngayon, haha. 'Yon lang, wala na ang dating bigat. Mas maluwag na ang kalooban ko ngayon dahil wala na akong inaasahan. Madalas kong marinig ang ibang tao na nagpapayo na dapat daw kinakalimutan ang mga masasamang bagay/alaala/guni-guni at suicide attempts. Wala akong balak na kalimutan ang mga kasawian ko noon dahil gusto kong manatili ang mga iyon bilang aral na maaari kong balik-balikan kung sakaling maharap ulit ako sa ganoong klase ng sitwasyon balang-araw.
Nagbackread ako ng posts ko noong Disyembre ng nakaraang taon. Medyo nalulungkot ako sa katotohanan na hindi natapos ang 2009 ko na masaya, tapos ngayong 2010 eh, well, so-so lang, kung yung makalumang standard ko ang pagbabasihan. Walang engrandeng pangyayari eh. Parang, wala lang. Nabuhay lang ako ngayong taon para kumain at matulog at kumunsumo ng oxygen. Kung mamatay ako, tae lang, walang magiging laman ang CV ko na ibibigay sa Kanya.
Hindi ko talaga gustong pahabain pa ang post na ito. Gusto ko lang sabihin na, hindi gaanong maganda ang papatapos na taon, angat lang ng bahagya, mga dalawang level, kumpara last year, PERO (yes, may malaking BUT) - syempre, hindi ko naman hahayaan na magtapos ang 2010 sa napaka-loser na paraan. Gustong kong maging masaya! :-) Eh ano kung wala ako ng mga bagay na nais ko - meron naman akong nauuwiang bahay at pamilyang maaari kong balik-balikan ano mang oras, sakaling maubusan na ako ng batong maipupukol sa madugas na mundo. Hindi na ako magrereklamo sa madugas na mundo, dahil lahat naman ng tao eh nadudugas nya. Quits lang kumbaga. Madugas naman talaga ang mundo eh. Kahit saang anggulo mo pa ito tingnan, hindi kailanman naging patas ang daigdig, mapa-pinansyal, intelektwal, pisikal na itsura, lugar na pinagmulan, lahi, buhay-pag-ibig, size ng kwan, at marami pang ibang pagkakaiba at hindi pagkakapantay-pantay ng tao. Aminin man natin o hindi, meron talagang napapaboran. Ang magagawa lang natin para maging mas kaiga-igaya at masaya ang mundo ay tanggapin ng bukal sa puso kung ano man ang ibinigay sa atin ng nagbigay (universe man yan o dyos ayon sa iyong paniniwala) - at ito ang nais kong gawin. :-). Sa ngayon, marami akong kakulangan sa maraming aspeto ng buhay - alam mo na, yung mga bagay na madalas tingnan ng lipunan, gaya ng malusog na bank account at kotseng minamaneho, magandang chick, at makisig na pangangatawan. Sa ngayon, masaya ako sa tahanan at malusog na pamilya, at sa bonus na mga kaibigan. Kung iisipin, fair naman ang daigdig sa pagiging unfair sa mga tao. Paradox? Haaay, ayoko na i-explain. Basta, hindi nalang dapat pag-aksayahan ng panahon kakamukmok ang mga bagay na wala sa abot ng ating kamay.
Marami akong pwedeng kainisang mga pangyayari sa taong 2010, pero mas madami akong dapat ipagpasalamat. Isipin mo, 365 days akong gumising at natulog para lumamon kinabukasan! 365 na blessings na 'yon! Thank you Lord!
O sya at humahaba na ang sinabi kong maikli lang na post. Bumabati ako ng Maligayang Pasko sa lahat ng nagpapasko sa inyo. Kung hindi ka man nagpapasko, kagaya ng kaibigan kong si Tobey, wag mo sanang masamain ang pabati ko na ang nais lang naman talaga eh mag wish ng isang magandang araw. XD
Muli, maligayang pasko sa inyong lahat! Hindi pa ito ang last post ko sa taong ito. Hindi ako nakapagpaalam ng matino sa 2009, ayokong ulitin ito sa 2010.
Byerts!








