Sunday, January 9, 2011

Feast of the Black Nazarene [flash back]


Pista ng Nazareno ngayon.  Balak ko talagang pumunta doon kanina, kaso biglang bumuhos ang ulan.  Nakakahiya naman, ulan lang pala ang katapat ng ga-buhok kong pananampalataya.

Nandoon ako noong 2009 at 2010, alam mo ba?  'Yon yung mga panahon na nasa sobrang baba ng pananampalataya ko at pilit kong hinahanapan ng sagot ang mga katanungang walang gustong sumagot.  Spiritual dryness, kumbaga.  Sinimulan ko sa paghiling ng isang bagay sa Nazareno.  Ang labo ko no?  Kailangan pa munang sagutin ang hiling ko para lang maniwala. 

Madalas sabihin ng mga pari at ng kunsino pang mga butihing alagad ng Diyos na nasa libro daw ang sagot.  Pero ang hinala ko - umiiwas lang sila na sagutin ang mga tanong.  Matalinong paraan ng pag-iwas sa tanong - NOT.

Itanong ko kay Soriano?  Tsk, wala akong balak makinig sa taong mas madumi pa ang bibig sa akin. Wala akong galit sa mga kapwa ko madungis ang utak at bunganga (bunganga talaga, haha).  Ang akin lang, dapat lang na isabuhay ang anumang pinapangaral mo.  Hindi yung panay mura ang naririnig ko sa bibig mo habang nagbibigay ka ng kahulugan ng nasusulat sa Bibliya.  Paumanhin sa mga alagad ni Soriano, pero 'yan ang opinyon ko sa lider nyo.

Si Ely Buendia lang ang pinapakinggan kong Ely.

Sa isang catholic high school ako nag-aral, pero hindi ko talaga nakahiligang magbasa ng Bibliya.  Naging requirement lang para sa akin ang pagbibitbit nito araw-araw.  Mabigat na sa bag, mabigat pa sa kalooban.  Ambigat-bigat kaya ng Bible ko noon.  Ayaw kasi akong bilhan ni nanay ng maliit eh, meron naman daw kasi kami sa bahay, at parehas lang naman ng laman, kaya bakit pa daw bibili ng mas maliit.  Kaya araw-araw, may dala akong mabigat na bible sa school.  Parang nung elementary lang, kapag pinagdadala kami sa school ng dictionary pilit pinadadala sa akin ng tatay ko yung Webster namin na malaki pa sa short-bond paper ang size at higit sa doble ang kapal sa hardbound na Harry Potter and the Deathly Hallows.  Yung tipong pang library na dictionary...ganown.  Ang liit-liit ko pa naman noon.  Sabi kasi ng tatay ko mas kumpleto daw yun kesa sa sampung pocket-dictionary na pinagsama-sama.  Isa pa may service naman ako kaya hindi daw problema masyado ang pagbitbit. Tama naman.  Hindi nya lang alam, muka akong tanga tuwing ilalabas ko na ang dictionary namin sa school.  Dumadagundong ang desk ko pag nilalapag ko na 'yon at lahat ng katabi ko ay nakatingin sakin.  Sikat, pero hindi sa ganoong paraan ko gusto mapansin. Hindi naman ako tumalino dun eh - sa totoo lang.

May hiniling ako sa Itim na Nazareno noong 2009.  At talaga namang pinagsiksikan ko ang sarili ko para lang makakapit sa lubid.  Hindi naman ako nabigo dahil nakakapit ako sa lubid at naihagis ko pa talaga ang panyo ko na bumalik din sa kamay ko na parang may misteryosong pwersa na nag-abot sa akin pabalik.  Gusto kong isipin na ganun nga ang nangyari, pero, maliit man ang chance, pwedeng nagkataon lang talaga ang lahat.   

Ito yung mamang nakaututang dila ko noong Pista ng Nazareno noong 2009. 
Binuhat ko rin yang hawak nya - mabigat, lalo na para sa isang payat at matandang
lalaki na tulad nya.  Hindi ko man lang natanong ang pangalan nya.

Nakakatakot yung eksena noong 2009, sa totoo lang.  Daig ko pa ang sumabak sa sampung concert ng Slapshock (old school pa ang example ko).  Tulakan, at bago ko pa malaman, nasa gitna na ako ng nagkakagulong tao, ilang metro mula sa poon.  Natakot ako dahil mas malakas ang puwersa ng mga tao sa paligid ng nito.  Kung hindi ko alam na pista iyon ng Nazareno, iisipin kong may malaking riot lang na nagaganap.  Hindi dapat ganun eh, lalo na't isang katolikong seremonya ang pagdiriwang.  Pero sa sobrang dami ng tao, mahirap talagang iwasan na magkasakitan, lalo na kung nasa dagat ka ng mga maasim at walang kontrol na grupo - tanging choice mo lang para mabuhay ay ang dumipensa. 

Maraming beses akong kumain ng siko at apak - maasim ang lasa, at talaga namang hindi biro ang ganoong tagpo.  Quits lang naman kung tutuusin dahil marami rin akong paang natapakan ng hindi sadya.  Sa sobrang hirap eh panandalian akong nawalan ng bayag at binalak kong umatras palabas mula sa mga amoy pawis na nagsisiksikang tao, pero hindi rin ako nakalabas kaagad. Na-trap kasi ako sa loob ng mga lalaking magkakakapit-bisig (sila yung nagkokontrol sa crowd na lumalapit sa Nazareno).  Nung papalabas na sana ako, tinanong ako ng mama sa galit na tono kung lalabas daw ba ako o ano.  High blood si manong, kaya hindi ko na siya sinagot.  Ayun, napasubo na ako eh, may high blood na manong pa na nasa likod ko, at dahil nandun narin lang naman ako, go na! Ilang saglit lang at naabot ko rin yung lubid, mga sampung talampakan lang mula sa Nazareno. Nagkaroon pa ako ng pagkakataon na ibulong sa sarili yung request ko habang nakakapit sa lubid, sabay hagis ng panyo. 

Hindi ko na pahahabain pa ang kwento dahil hindi din naman ako nagtagal doon pagkatapos.  May natapakan kasi akong manong at siya lang ang bukod tanging nag-react na nakasandals ako.  Hindi naman daw kasi ako dapat nagsandals kung balak kong lumapit sa Nazareno dahil lahat sila ay nakayapak.  Makakasakit lang daw ako ng mga deboto kaya mas mabuti pang lumabas na lang ako.  Hindi na ako nakahingi ng tawad sa natapakan ko dahil mabilis din kaming pinaghiwalay ng alon ng maasim na tadhana.

Anong nangyari sa request ko noong 2009?  Wala.  Walang nangyari.  Pero ayos lang.  Hindi rin naman kasi solido ang pananampalataya ko kaya marapat lang na hindi ito matupad.  Kapal naman ng muka ko kung magtampo pa ako, haha. Noong 2010, nagsimba lang ako at nakiusyoso.  Hindi na ako nagpumulit sa lumapit sa Nazareno, isa pa nakasapatos ako doon, yung nike na may spikes, yung pang soccer.  Kamusta naman ang matatapakan ko.  At sa nakalipas na taon - 'yon lang ang pagkakataon na nakapagsimba ako.

Tama na 'to.  Ayokong nang magbigay ng update sa aspetong relihiyon ko dahil ayokong mahusgahan at ayoko rin makaimpluwensya ng ibang tao. Basta ang alam ko, may Diyos.

O sya, byerts! XD




11 comments:

Sean said...

sa pagkakwento mo, para akong nandun mismo sa quiapo para ma-experience yung pakiramdam at amoy ng moment. natawa rin ako dun sa baon mong naglalakihang libro hehe.

Yffar'sWorld said...

hehehe, salamat sean. XD buhay parin yung bible at dictionary na tinutukoy ko pero hindi ko na iyon ipapagamit sa magiging anak ko. bibilhan ko na lang sila ng pocket size dictionary and bible.

Anonymous said...

si ely buendia lang ang pinapakinggan mong ely :P

galing ako sa catholic school pero hindi ako ganun karelihiyosong tao. hindi maikakategorya ang paniniwala ko sa diyos sa kahit anong nakarehistrong relihiyon. wala naman akong sinasabi na ganito ganyan pagdating sa paniniwala, basta ang mahalaga gumagawa ka ng mabuti sa kapwa at wala kang nasasaktan o nalalamangan.

bilib ako sa mga deboto ng nazareno sa kung paano nila ipakita yung paniniwala nila. kung lahat ng tao marunong magsakripisyo baka sakaling maging maayos ng kaunti ang mundo ;)

Kamila said...

Di ba may isang taon na namatay na deboto? 2008 ba yun o 2009..di ko alam.. o 2007... di ko ulit alam.. pero naaalala ko last year habang lahat ay nakaapak na papunta sa quiapo... ako naman ay may kinukuha sa western union malapit sa san sebastian... ewan....

hahaha.. hindi ako naging deboto ng nazareno... at parang di ko din kaya magtapak.. at minsan pag may mga nkikita ako na mga naka-maroon at yellow.. napapaisip ako kung quiapo day na ba ulit kahit mga nobyembre pa lang nun o december..

nyahahaha... itatanong ko sana kung nakayapak ka nga.. pero sinagot mo na.. hahaha x)

Yffar'sWorld said...

@XG - i couldn't agree more. XD kung lahat ay marunong magsakripisyo at makipagkapwa-tao, mas magiging masaya talaga ang mundo para sa lahat. XD salamat sa pagdalaw - isang malaking karangalan para sa akin. XD

@kamila - last year may namatay na 2 alam ko. inspiring din manood. sa dami ng namamanata, parang maiisip mo na meron nga talaga sigurong Diyos (hindi naman siguro lahat sila eh curious lang gaya ko). XD andito ka ba sa pinas? akala ko nasa states ka. XD

Superjaid said...

ayokong magcomment tungkol sa religion dahil di naman ako catholic =)

nakakatuwa yung tungkol sa bible at dictionary hehehe la lang natuwa ako masyado eh =)

Anonymous said...

nakakabilib din na kahit minsan naexperience mo na makipagsiksikan dyan sa Quiapo. natatakot ako sa kapal ng tao na nagsisiksikan parang ang hirap huminga. nagtataka nga ako bat walang napabalitang nagsuntukan eh.

nasa pananampalataya talaga yan. atleast tanggap natin na may Diyos. hindi naman required na maging deboto ka para maligtas.

JoboFlores said...

natuwa ako sa choice of word mo...''bunganga''...parang hayop o bagay lang ang dinedescribe ah hahahahah

bunganga nang bulkan
bunganga nang buwaya

hehehehehe naisip ko lang...

ako talaga hindi pa naattend sa ganyan ganyan...di ko pa naman naiisipang umattend...siguro pag nabura na sa isip ko yung imahe nang frend kong si maria cameia pajaroja (maliit at maitim na babae na may napakahabang buhok) nung magdress sya nang violet sa ofis....sabi nang gagong si jho muka syang black nazarene...hahahahahahahah wala lang

Yffar'sWorld said...

@superjaid - hehe, ok lang magbigay ng komento, wag ka matakot. :-) ako rin, natatawa ako sa sarili ko pag naaalala ko. XD

@ sir gasti - oo nga, mahirap talaga huminga lalo na kapag hindi katangkaran, kaya nakakabilib lalo na yung mga babae. XD

@jobo - bunganga pag slang. salitang kalye. XD wahaha.. naiimagine ko si maria cameia pajaroja. mas maganda siguro kung kulot din sya. haha! XD

JoboFlores said...

hahahahahahaha tama ka dyan...pero ang kulot lang na buhok nya eh yung bandang nilalagyan nang headbond...lagi nga syang nisasabihan na may bubol sa noo...heheheh

Unknown said...

Ruben cos ang pangalan po nung matanda. Isa po syang paralitiko at nananampalataya po sya sa nazareno na nagpapahaba ng kanyang buhay

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails