Busy-busyhan moment ngayon. Natanggap na kasi ako sa tindahan ng tinapa sa pampublikong pamilihan ng Muntinlupa. Bukod pa ito sa pagawaan ng toothpick na pinapasukan ko sa Makati. Kaya may main source of income na ako at hindi na lang basta-basta extra ang kita. Bukod sa transpo allowance eh may meal allowance pa - libre tinapa for lunch. Sa'n ka pa?! XD
Hindi naman gaanong katagalan ang pagkawala ko, hindi tulad noong nakaraang taon na may mga pagkakataong isang post lang sa loob ng isang buwan ang nagawa ko. Masarap din pala ang maging busy, lalo na't alam mong pagkatapos ng mahabang araw ay, bukod sa toothpick eh, may maiuuwi akong tinapa sa hapag-kainan. Medyo matagal din kasi akong tumambay at umasa sa maliit na halagang naimpok ko mula sa huli kong kumpanyang pinasukan. Halos isan taong akong, kung hindi nakahilata sa kama eh, nakatunganga sa hapag-kainan. Pakiramdam ko ngayon ay magkakasakit ako, pero ok lang, ganun talaga. Hindi na kasi sanay ang bata kong katawan na magbanat ng buto. Isang taon halos tumambay eh, syempre medyo kinalawang na ang utak at kalamnan. Basta ang importante ay magkakapera na ako ng malaki-laki sa katapusan ng buwan. At paulit-ulit talaga ang pinagsasasabi ko dito. Redundancy. Dyan ako magaling. XD
Bawal na ang plastic sa Muntinlupa - City Ordinance na ipinatupad ni Mayor Saint Peter. Kaya pala simula noong katapusan ng nakaraang buwan eh hindi ko na nakikitang lumalabas yung kapitbahay naming kalbo. Bawal na kasi ang plastic sa munti, natatakot siguro na mahuli at i-recycle sya para gawing toilet seat. Bagay kaya sya maging toilet seat. Maganda ang adhikain ng city ordinance ni mayor, pero parang wala sa hulog ang mga inatasan nya na magpatupad ng kautusang ito. Noong isang linggo kasi, sinita daw si nanay ng isang alagad ni mayor dahil may daladala siyang plastic bag na lalagyan ng pinamili nya sa palengke. Dinala yun ni nanay dahil alam nyang bawal na magbigay ng plastci bags ang mga tindera sa palengke. Sabi nung nanita sa kanya na may nakasabit pang government id, bawal na raw ang plastic, at sa susunod daw ay may multa na. Tanga ba yung naninitang 'yon - anong gagawin namin sa sandamakmak na plastic namin sa bahay? Mainam nga at ginagamit namin ang plastic bag sa mabuting paraan. Yun naman ang dapat gawin sa plastic diba, ang i-recycle. At isang paraan ng pagrerecycle ay ang muling paggamit dito. Hulihin nila yung mga establishments na patuloy na nagpapamudmod ng plastic sa mga customers nila, hindi yung pinapakielaman nila pati ang tahimik na pamimili ng nanay ko.
Naalala ko lang, noong isang linggo kasi ay lumabas ang aking pamilya para kumain. Hindi nakasama ang isa kong kapatid dahil kailangan nyang matulog at masama ang pakiramdam, kaya naman naisipan ko syang bilhan ng paborito nyang bibingka. Pizza talaga ang favorite nya, pero pambibingka lang ang budget ko. Bumili ako ng isang kahon, anim ang laman, at mainit-init pa. Pagkabayad ko, iniaabot lang ng tindera ang kahon ng bibingka sabay entertain sa kasunod na customer. Sabi ko, "Errr, miss, hindi mo ba 'to ilalagay sa plastic bag?" Sagot naman si tindera, "Ay sir, bawal na po ang plastic sa muntinlupa eh.", sabay turo dun sa laminated plastic-shit na nakapaskil sa stall nila. "Ay, oo nga pala, hehe, eh di sa paper bag na lang.", nakangiti kong sagot. "Wala po sir eh, naubusan na po." Sagot naman ako, "Huh, eh di straw na lang, para may hawakan ako, at mabitbit ko 'to." Tumawa ang tindera, sabay sabi, "Sir, plastic din po ang straw di ba, hihihi." Naasar ako ng bahagya, sabi ko, "EH PANO KO BIBITBITIN TONG MAINIT MONG BIBINGKA? DAPAT MAY PAPER BAG KA MAN LANG. KUNG WALA KAYONG LALAGYAN, MAGSARA NA KAYO. ANG DAMI-DAMI KO NG BITBIT TAPOS PAGHAHAWAKIN MO PA AKO NG KAHON NG MAINIT NA BIBINGKA??? PASALAMAT NGA KAYO BUMIBILI AKO SA INYO EH. GUMAWA KA NG PARAAN, HUMANAP KA NG PAPER BAG." Sabay narinig ko ang isa pang customer, "Oo nga miss." Kitams, kinampihan agad ako ng isa pang customer. Nakita ko ang takot sa muka ng tindera, sabay sabi na lang na, "Pasensya na po sir, eto na lang po, plastic bag." Sows! Meron naman palang plastic bag eh, pahihirapan pa ako. Sabi ko sa kanya wag syang mag-alala dahil hindi ko naman sya isusumbong kay mayor saint peter, pero kung talagang mapilit sya na hindi magbigay ng paper bag sa mga customers nila, eh mainam nga na magsara na muna sila. Tama naman ako, di ba? Magtitinapa kaya ako, kaya alam ko ang wastong pakikitungo sa mga mamimili. XD
Meron kaming highschool reunion sa susunod na linggo ata - hindi ako sure sa date. Hindi ko pa kasi alam kung pupunta ako o hindi. Yung orihinal na usapan nila eh sa isang bar sa Bellevue Hotel sa Alabang gaganapin ang reunion. Hindi ko alam kung matutuloy nga doon. May mga kausap pa ata silang mga sponsors para sa mga paraffle-shits. Ewan ko, pero parang nakakahiya kasing magpakita sa mga kaklase ko. Ano nalang sasabihin nila pag nalaman nila na tindero na ako ng tinapa? Baka mainggit sila - at ito ang ayaw kong mangyari. Hahaha! Gusto ko ring makita ang mga kaklase ko pero parang nag-aalangan ako. Hindi kasi ako sanay sa mga sosyal na bars at hotels. Pang kanto lang ang inuman na madalas kong mapuntahan. Isa pa, hindi talaga ako sanay makipag-kiss-ass sa mga dati kong kaklase. Actually, hindi lang sa kanila, kundi sa lahat ng mga dati kong nakasama. Anti-social talaga ako. Hindi naman kasi lahat ng pupunta doon ay kaibigan ko. Kung makikipagkita ako, doon na lang siguro sa mga totoo kong kaibigan. Bahala na kung pupunta.
(edit) Nakita ko lang ngayon, nakafollow pala ang class valedictorian namin sa blog na 'to. Hi Rexie. XD
Ngayon lang ako ulit nadalaw dito, kaya pagpasensyahan niyo na kung hindi ko nadadalaw ang blogs ninyo. Next week, pangako, gagaan na ang sched ko. Quota na kasi ako sideline ko - marami na akong natabas na toothpick. The week after next week na ulit ako papasok sa pagrika ng toothpick. XD
O sya, byerts! XD