Kahapon ko talaga balak gumawa ng panibagong pinta, pero nagkaayaan bigla sa bahay na manood ulit ng sine. Si Creamer ang dapat kong kasama na manonood ng Dalaw (takte sakit sa batok ng tili ni kris, ampanget pang umarte), pero dahil wala naman akong pera at ayaw ko namang magpalibre sa kanya, sinabi ko na ipagpaliban nalang muna namin ang movie-date. Prinsipyo ko yan sa buhay - hindi dapat kelan man nagpapalibre ang lalake sa babae (pero kapag kapatid ko ang manlilibre, ok lang, nyahaha). Madalas ay gabi ako gumagawa dahil mas sanay ako na gising sa gabi dahil narin sa nagdaan kong trabaho (hindi sa putahan, pero parang ganun narin ang nature) pero tinamad ako bigla, medyo nandidilim kasi ang paningin ko. Pakiramdam ko ay mas mabilis na tumatanda ang mga mata ko. Bihira na nga ako magbasa ng libro ngayon sa dilim eh, at kumakain na rin ako ng kalabasa at kerots at iba pang gulay na pampalinaw ng paningin, pero parang hindi naman gumagana. Oktubre lang noong 2009 ako nagpagawa ng bagong antipara, tapos ngayon parang kelangan ko na naman ng bago. Pfft. Magpapagawa na lang siguro ako ng panibago pag nagkapera na ulit ako.
Iniisip kong baguhin ang psuedo ko, o ang pangalan mismo ng site na ito. Kasi, errr, nitong mga nakaraang araw, nadiskubri ko na meron din palang ibang blogger na gumagamit ng pangalang yffar at raffy (at napakaselfish ko talaga para isiping ako lang ang pwedeng magtaglay ng pangalang yan sa sangkablogosperyohan, haha). Hindi naman sa pinagdadamot ko ang pangalan ko, ang akin lang naman eh, sa mundo kung saan hindi naman lahat ay kilala ako sa drama ng totoong buhay, tanging pangalan ko lamang ang maaarin kong iwanan bilang bakas ng pagkakakilanlan. Hindi ko na ieexplain ng husto. Pag-iisipan ko muna kung dapat nga ba akong magpalit-ngalan, o kung paninindigan ko nalang na isa lamang ako sa mga bloggers na may napakasimpleng pangalang yffar/raffy. Pfft.
At para paikliin na nga ang mahabang pasakalye, dahil nahihilo nga ako kagabi, kanina na lang ako nagsimulang gumawa ng panibagong artwork. Dyaran!
![]() |
| "untitled" Acrylic on 20x16 inch canvas. Floral abstract using large brush strokes. It was fun creating this. XD |
Isang klase ng brush lang ang ginamit ko dito (1 inch brush), at natutuwa ako na maayos ang kinalabasan ng eksperimento ko. Mas makulay yung nauna kong ginawa na still-life, pero parang mas gusto ko ang isang ito kasi mas nag-enjoy ako sa pag-gawa nito, kaya naisip ko na ito nalang ang ibibigay ko sa kaibigan kong ikakasal sa susunod na linggo. XD
Matatagalan pa bago ko masundan ito. Wala na kasi akong canvas. Marami pa naman akong oil at acrylic paints, pero ibat-ibang shades lang ng green, yellow, at red. Kung marami lang sana akong pera pambili ng canvas/plywood/cardboard, mas mapapadalas ang pag-eeksperimento ko. Kaso, kailangang magtipid, so tiis muna sa libog ko sa pagpipinta, haha. XD
Byerts!


