Pansamantala ko munang pinuputol ang EOP (english only policy) dito sa aking dot com. XD
Wala talaga akong balak magsulat ngayon. Nakakabagot rin kasi kung minsan ang magbato sa blog na ito ng kung ano mang nararamdaman ko. Halos lahat naman kasi ng mga naisusulat ko dito eh panay tungkol sa kalungkutan at depresyon. Malaya sa pakiramdam, oo, na para bang sumusulat ako sa isang napakalaking dingding na kita ng lahat, pero pagkatapos nito eh para bang bigla na lang akong napapaisip kung bakit ko nga ba talaga naisipang magsulat sa dingding ko. Aksaya sa oras, na sana ay napakinabangan ko sa mas makabuluhang paraan. Noong una, akala ko walang nagbabasa dito sa aking lungga, pero nagulat ako, dahil meron din pala! Sinubukan ko kanina na i-google ang aking lungga, Yffar's World. At wag ka, meron akong nakita na bumoto pala sa aking blog sa isang pakontest sa mundo nang blogasperyo noong nakaraang taon...ang Top 10 Emergerging Influencial Blogs of 2009. Whoaah...oo, sensya na, sobrang late ko na bago nalaman ang tungkol sa pakontest na ito, at nagulat talaga ako na merong bumoto sa akin, patunay na meron din palang mga napapadpad sa aking mumunting dot com at nagbabasa ng mga naisulat ko. Isang nominasyon lang naman ang nakuha ko, at ito ay galing sa isang blogeryo na nagtatago sa pseudo na Lio Loco. Salamat Lio! Hindi ko naisip na merong palang mag-iisip na "influencial" ang aking dot com. Medyo matagal-tagal rin kasi na halos malulungkot na panulat ang naipapaskil ko sa blog ko. Gusto ko sanang baguhin ang tema ng dot com ko, para naman makaimpluwensya ako sa tamang paraan. Bilang isang blogeryo, may responsibilidad ako sa mga mambabasa ko, pati narin sa mga hindi sadyang napapadpad sa aking dot com.
Sobrang sawa na ako sa paggawa ng wala. Sa mga ganitong pagkakataon masarap gumawa ng mga bagay na bihira ko lang gawin, gaya ng, errr, pagsulat sa dot com ko. Nangangalahati na ang 2010, at apat na post palang ang nagagawa ko dito sa aking dot com. Malayo ito kumpara sa 65 posts ko last year. Kaya naman naisip ko na pansamantala munang hayaan ang mga daliri ko na tumipa ng ilang letra, at dahil gusto ko na medyo maging kakaiba, hahayaan ko munang sumayaw ang aking mga daliri sa himig ng tagalergs. Oo, bawal muna ang EOP! Bihira lang ako magsulat sa sariling wika. Sa kagustuhan ko na mas malayo at mas malawak na mambabasa ang abutin ng aking dot com, napag-isipan ko na inglesh ang gawin kong opisyal na lingwahe dito. Minsan lang itong mga ganitong pagkakataon na pinipili kong magtipa sa tagalerg, na, totoo namang, hindi rin ako magaling. Kung ang magsulat sa inglesh o sa tagalergs ang mas mahirap, hindi ko masabi. Meron kasing mga pagkakataon na kusa na lang ang paglabas ng mga malalaim, malaman, at masining na mga kataga mula sa utak ko, inglesh man o tagalog. Kusang lumalabas. Hindi ito nangyayari ngayon, maniwala ka, haha. Kita naman na hindi masining ang pagsulat ko ngayon. Pero pakiramdam ko, mas "liberating" talaga ang pagsulat sa tagalerg. Mas malaya sa pakiramdam dahil hindi ako takot na magkamali. Walang maninita ng akda ko sakali mang may mga paglabag ako sa balarila kung tagalergs ang sulat ko. Wala lang pake. Kasi hindi naman ito isang sulating pormal kung saan pati ang istilo ay pinupuna ng mga letseng Filipino teacher. Shet, naalala ko na naman ang mga sulating pormal-pormalan na yan nung elementarya at high school. Mahilig ako magsulat dati sa tagalerg. Pero nabago yun nung 4th year high school ako. Linsyak kasi yung teacher ko dati sa Filipino. Linggo ng wika noon at may pakontest: essay writing sa wikang Filipino. Aba aba, alam ko na medyo may talento ako noon sa pagsulat kumpara sa iba kong kaklase. Ang mga estudyante lang sa honor section ang kasali sa palahok, kaya mas ok dahil konti lang ang kakumpitensya. Binasa isa-isa ng teacher namin sa Filipino ang mga essay namin, pero pagdating sa akin, umpisa palang, tinigil na nya ang pagbasa. Bakeet??? Kasi daw, masyado raw generic ang panimula ko sa essay ko. Sinumulan ko ang aking panulat gamit ang mga kataga ni Rizal tungkol sa malansang isda. Nyek na nyek talaga ako. Hindi man lang nya tinapos basahin ang kasunod. Hindi manlang nya napagtsagaang namnamin ang nilalaman ng sinulat ko. Nakakabadtrip talaga! Bilib-na-bilib pa naman ako noon sa gawa ko. Para akong sinampal sa muka gamit ng sarili kong tsinelas. Mga ganyang pagkakataon ang nagpapababa ng self-esteem ko. Pero ok rin naman dahil gawa ng kaibigan ko ang napili ni Mrs. Medina (hahaha, ayan nasabi ko tuloy pangalan nya! lol). Natuwa ako para sa kaibigan ko, kahit na hindi ako gaano bumilib sa sulat nya ng mabasa ko ito.
Pero noong nag college ako, biglang lumabas ang isang manunulat na hanggang sa ngayon eh nagtatago parin sa pangalang Bob Ong. Cool na cool ang dating sa akin ng istilo ng panunulat nya. Habang nagbabasa ng libro sa thermodynamics at heat transfer ang mga kaklase ko sa mapua, nandon naman ako sa isang sulok at nagbabasa ng ABNKKBSNPLAKo. Noong panahong ding iyon ko nadiskubri si Nanskii boi ng GBlogs! Sinusubaybayan ko pagbato nya ng mga post sa Gblogs nya. Tungkol lang sa mga pangyayari sa buhay-buhay nya ang sinusulat nya, pero sadya naman talagang nakakaaliw ang paraan nya ng pagkwento. Matapos ang ilang buwan na pagsubaybay ko sa dot com ni Nanskii Boi, napagpasyahan ko na gumawa ng sarili kong lungga sa Yahoo 360 Blogs. Oo, pero dahil takot ako na masyadong maimpluwensyahan nila Bob Ong at Nanskii, naisip ko na magsulat sa wikang inglesh. Ayun na ang simula ng paglikha ko ng sarili kong mundo sa blogosperyo. Online diary - kung saan ko ibinabato at isinusuka ang lahat ng hindi ko masabi sa ibang tao.
Pero gaya ng nabanggit ko kanina, mas "liberating" ang magsulat sa tagalerg. Hindi tulad kung sa wikang inglesh ka magsusulat. Marami dyan, nagbabasa lang para punahin kung may mali sa grammar ang sumulat. Ahem. Ewan ko kung bakit ko nasabi yan. Marahil ganito rin kasi ako sa iba?...pinupuna ko rin at kinukutya ang mga mali-maling grammar kung minsan ng ilang bloggers na nagpupumilit magsulat sa wikang inglesh. May punto rin ang kasabihang galit ang magnanakaw sa kapwa magnanakaw. Hindi naman talaga ako magaling magsulat. Sa totoo lang, kung minsan, feeling ko nga trying hard ako sa paggamit ng wikang inglesh sa pagsusulat. Wala naman kasi ako talagang pormal na pag-aaral sa pagsulat sa inglesh. Swerte ko na lang talaga at nagbigay talaga ako ng sapat na atensiyon sa mga inglesh teachers ko sa school. Kaya eto, kahit papaano eh napapakinabangan ko rin naman sa trabaho ang aking kaunting kaalaman. Pero swear, asiwa parin talaga ako sa ideya ng pagpupumilit magtunog amerikano. Hay naku. Pano kaya kung ang Pilipinas ang naging makapangyarihang bansa sa mundo at hindi ang Estados Unidos? Paano kung ang Amerika ang third world country? Paano kaya kung ang Pilipinas ang nag a-outsource ng trabaho sa Amerika? Ano kaya kung ang mga bwakinang Kano ang nagpupumilit magsalita ng tagalerg sa Filipino accent? Hmmm....
Imagine:
Agent: Mayruhmeeeng seyluhmet suh pughteweg, enow powng meypeg leeeleengkud kow suh inyow?
Customer: Putang-ina mo! Amerikano ka no? Tunog na tunog, ang pangit ng accent mo! I-transfer mo nga ako sa Pinoy, ayoko kumausap ng bobong kano na nagpupumilit magtagalog!
Agent: Puhseynsyuh nuh pow, ngoooneet hindeee kow pow keyow mayleeeleeeput suh on-shore center.
Customer: Pasensya, pasenya, puro nalang pasensya sinasabi nyo! Ang tatanga nyo naman! Mga putang-ina nyong lahat!
Agent: Sowreee pow teleguh mem. (magmu-mute at mag mumura din: fuck you bitch!)
Customer: Sawang sawa na ko sa kakasorry nyo, sawang-sawa na ako makipag-usap sa mga putang-ina nyong mga kano kayo! (sabay bagsak ng telepeno)
Agent: Damn, I don't want this job anymore... (habang nangingilid ang luha sa mata)
Oh di ba? Astig?! XD parang jejemons lang sila pag nagkataon, teeee heeee heeee! XD
Hindi ako kagalingan magsalita sa wikang inglesh, kaya kung minsan, sa panahong tamad-na-tamad na ako, hindi ko sinasadyang magtunog pinoy sa pagsasalita ko. Pinoy lang, pumapalya rin ang pekeng accent at grammar kung minsan. Nakakatanggap ako ng ilang magagandang papuri mula sa mga kaibigan ko sa trabaho, na kesyo lahat daw eh nakikinig kapag ako na ang nagsasalita. May kagalingan daw ako sa pakikipag-usap sa mga bwuakinang kano, hahaha. Pero ewan. Hirap ako kung minsan na tumanggap ng papuri. Hirap rin ako kung minsan na magbigay ng papuri. Sa mapagkumbabang lipunan na kinalakihan natin, hindi kailan man naging tama ang pagbubuhat ng sariling bangko. Kaya kadalasan, kahit alam natin sa sarili natin na may mas ibubuga tayo sa iba, nangingibabaw parin ang pagpapakumbaba. Humility is beauty, sabi nga ng mga kaibigan ko na sina Chris at Serge, pero ang humility na ito, kadalasan, sa ating mga pinoy, ay nagiging katumbas ng kawalan ng tiwala sa sarili. Magkaibang bagay ang pagpapakumbaba at kawalan ng tiwala sa sarili. At ang kawalan ng tiwala sa sarili ay isang bagay na gusto kong basagin.
Hay.... hindi ko na alam kung sa paanong paraan ko tatapusin itong tagalerg entry ko, haha. Ikalimang entry ko pa lang ito sa taong ito. Pagsinipag-sipag ako sa mga susunod na araw, baka masundan ito agad. O sige, tama na muna.
Back to EOP next time. XD