Saturday, September 10, 2011

Bouncing Out?

Where's the "Welcome Back" banner here?

Sa totoo lang, hindi ko gaano na miss ang sarili kong blog.  I was, in fact, trying to find 101 reasons to bounce out this site.  I made a list of it but only ended up with 79.  Pffft...  If my blog was a real baby, it would be dead and rotting by now, reeking with kick-ass worms.  Yes, I really really really am a bad blog-parent.  Shoot me.

Cracked a few books, and comic books, and did new paintings, during my almost-permanent internet hiatus.  Read three series of Neil Gaiman's The Sandman, Budjett Tan's Trese 1 & 2, Gerry Alanguilan's Elmer, Stephen King's The Gunslinger, Chuck Palahniuk's Rant, Haruki Murakami's Kafka on the Shore, and WM Paul Young's The Shack.  These are just some of the books I added recently to my small collection  of books.

What have I been doing?  Work and work!  I barely had the chance to do some artwork in the past  months.  Takte kasing trabaho yan eh!  I'm not whining.  Sa totoo lang maganda nga na may trabaho ako na may disenteng sweldo at libreng tinapa.  Yun lang, taena lang talaga yung kumpanya at mga boss ko, panay ang pa-overtime!  This may sound redundant and downright uninteresting so I'm stopping now.

Anyway, here are some of my new paintings...


"Untitled" Acrylic on 24 x 18 inch canvas
I made this back in March, but decided to put a darker shade on it.
(yes, a schlock version of Angels by Raphael)

"Outside" Acrylic on 16 x12 inch canvas

"Rusted"  Acrylic on 20 x 24 inch canvas

The photos above were taken using a 3.2mp phone camera, so they're not really of good quality (just saying they look better in actual, hahaha!).  All these are just sitting in one corner of my room, collecting roach-dirt and dust.  Walang mapaglagyan sa bahay eh.  Gusto nyo ba? :)

This is it for now.  Wala lang.  Pumampam lang ngayong araw.

Byerts!



Monday, April 25, 2011

Kabute

Medyo matagal pala akong nawala.  Dalawang buwan mahigit din akong hindi nakabisita sa mga regular kong dinadalaw.  Kamusta naman kayo dyan? XD

Wala akong intersanteng paksa ngayon.  Sa totoo lang, napadaan lang ako dito para lang masabing, errr, dumaan ako.  Baka kasi isipin nyo patay na ako.

Ang hirap mag-isip ng  sasabihin.  Sabaw pa rin ang utak ko mula sa trabaho.  Limang araw na diretso ang pahinga ko ngayon kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na makabisita dito.  Balak ko noong magpunta ng beach.  Kahit saan sanang beach.  Pero dahil sa mabait akong anak at kapatid - sa bahay lahat napunta ang maliit kong kita sa tindahan ng tinapa at sa pabrika ng toothpick.  Balak ng mga kaibigan ko na magpunta ng Pagudpod sa May, pero mukang hindi parin ako makakasama doon.  Bull.  Pero ok lang, medyo matagal naman akong pinalamon sa bahay, kaya marapat lang na punan ko naman ang mga bagay-bagay at responsibilidad na tinanggal ko sa balikat ko noong isang taon.

At dahil nga nakabakasyon ako, nagkaroon ako ng pagkakataon na humawak ng brush at pintura.  Tatlong buwan na rin nung huli akong humawak ng brush at pintura, kaya medyo nanibago ako.  Mukang ok naman ang kinalabasan.


"Le Musicale Masturbateur"
Acrylic on 24x18 inch canvas

"Moony"
Acrylic on 24x18 inch canvas

Gusto ko sanang sumali sa  isang painting workshop para naman magkaroon ako ng "totoong liksyon" sa pagpipinta, at hindi lang basta painting-paintingan.  May nakita ako doon sa Edsa Shang noong isang buwan, pero nanghinayang ako dahil medyo may kamahalan pala ang bayad sa ganoon.  Hay, ipambibili ko nalang ng canvas at pintura ang pambayad.

Sa Miyerkules eh babalik na ulit ako sa pamilihang bayan ng Muntinlupa para muling magtinda ng tinapa.  Medyo magaling na ako bumenta, at marunong na akong mag up-sell ng atsara.  Hindi na ako napapanisan ng paninda, haha. XD  Sa Huwebes naman ang balik ko sa pabrika ng toothpick.  Lunes pa lang naman ngayon.  May dalawang araw pa ako para mag relax.

O sya, sa susunod na lang ulit.  Ayoko ng magsabi na magbabalik ako dito kaagad.  Baka kasi mauwi na naman ako sa paglamon ng sarili kong salita.  Sabi ng isa kong kaibigan na napapadpad dito, para daw akong kabute, bigla na lang sumusulpot at nawawala.  Sus, ang kapal ng muka na magdemand na magsulat ako, ni-hindi naman nagko-comment.

Byerts! XD



Sunday, February 6, 2011

Plastic ang bibingka sa reunion [o-sya-sya-insert-appropriate-title-here-na-lang-wala-akong-maisip-eh]


Busy-busyhan moment ngayon.  Natanggap na kasi ako sa tindahan ng tinapa sa pampublikong pamilihan ng Muntinlupa.  Bukod pa ito sa pagawaan ng toothpick na pinapasukan ko sa Makati.  Kaya may main source of income na ako at hindi na lang basta-basta extra ang kita.  Bukod sa transpo allowance eh may meal allowance pa - libre tinapa for lunch.  Sa'n ka pa?! XD

Hindi naman gaanong katagalan ang pagkawala ko, hindi tulad noong nakaraang taon na may mga pagkakataong isang post lang sa loob ng isang buwan ang nagawa ko.  Masarap din pala ang maging busy, lalo na't alam mong pagkatapos ng mahabang araw ay, bukod sa toothpick eh, may maiuuwi akong tinapa sa hapag-kainan.  Medyo matagal din kasi akong tumambay at umasa sa maliit na halagang naimpok ko mula sa huli kong kumpanyang pinasukan.  Halos isan taong akong, kung hindi nakahilata sa kama eh, nakatunganga sa hapag-kainan.  Pakiramdam ko ngayon ay magkakasakit ako, pero ok lang, ganun talaga.  Hindi na kasi sanay ang bata kong katawan na magbanat ng buto.  Isang taon halos tumambay eh, syempre medyo kinalawang na ang utak at kalamnan.  Basta ang importante ay magkakapera na ako ng malaki-laki sa katapusan ng buwan.  At paulit-ulit talaga ang pinagsasasabi ko dito.  Redundancy.  Dyan ako magaling. XD

Bawal na ang plastic sa Muntinlupa - City Ordinance na ipinatupad ni Mayor Saint Peter.  Kaya pala simula noong katapusan ng nakaraang buwan eh hindi ko na nakikitang lumalabas yung kapitbahay naming kalbo.  Bawal na kasi ang plastic sa munti, natatakot siguro na mahuli at i-recycle sya para gawing toilet seat.  Bagay kaya sya maging toilet seat.  Maganda ang adhikain ng city ordinance ni mayor, pero parang wala sa hulog ang mga inatasan nya na magpatupad ng kautusang ito.  Noong isang linggo kasi, sinita daw si nanay ng isang alagad ni mayor dahil may daladala siyang plastic bag na lalagyan ng pinamili nya sa palengke.  Dinala yun ni nanay dahil alam nyang bawal na magbigay ng plastci bags ang mga tindera sa palengke.  Sabi nung nanita sa kanya na may nakasabit pang government id, bawal na raw ang plastic, at sa susunod daw ay may multa na.  Tanga ba yung naninitang 'yon - anong gagawin namin sa sandamakmak na plastic namin sa bahay?  Mainam nga at ginagamit namin ang plastic bag sa mabuting paraan.  Yun naman ang dapat gawin sa plastic diba, ang i-recycle.  At isang paraan ng pagrerecycle ay ang muling paggamit dito.  Hulihin nila yung mga establishments na patuloy na nagpapamudmod ng plastic sa mga customers nila, hindi yung pinapakielaman nila pati ang tahimik na pamimili ng nanay ko.

Naalala ko lang, noong isang linggo kasi ay lumabas ang aking pamilya para kumain.  Hindi nakasama ang isa kong kapatid dahil kailangan nyang matulog at masama ang pakiramdam, kaya naman naisipan ko syang bilhan ng paborito nyang bibingka.  Pizza talaga ang favorite nya, pero pambibingka lang ang budget ko.  Bumili ako ng isang kahon, anim ang laman, at mainit-init pa.  Pagkabayad ko, iniaabot lang ng tindera ang kahon ng bibingka sabay entertain sa kasunod na customer.  Sabi ko, "Errr, miss, hindi mo ba 'to ilalagay sa plastic bag?"  Sagot naman si tindera, "Ay sir, bawal na po ang plastic sa muntinlupa eh.", sabay turo dun sa laminated plastic-shit na nakapaskil sa stall nila.  "Ay, oo nga pala, hehe, eh di sa paper bag na lang.", nakangiti kong sagot.  "Wala po sir eh, naubusan na po."  Sagot naman ako, "Huh, eh di straw na lang, para may hawakan ako, at mabitbit ko 'to."  Tumawa ang tindera, sabay sabi, "Sir, plastic din po ang straw di ba, hihihi."  Naasar ako ng bahagya, sabi ko, "EH PANO KO BIBITBITIN TONG MAINIT MONG BIBINGKA?  DAPAT MAY PAPER BAG KA MAN LANG.  KUNG WALA KAYONG LALAGYAN, MAGSARA NA KAYO.  ANG DAMI-DAMI KO NG BITBIT TAPOS PAGHAHAWAKIN MO PA AKO NG KAHON NG MAINIT NA BIBINGKA???  PASALAMAT NGA KAYO BUMIBILI AKO SA INYO EH.  GUMAWA KA NG PARAAN, HUMANAP KA NG PAPER BAG."  Sabay narinig ko ang isa pang customer, "Oo nga miss."  Kitams, kinampihan agad ako ng isa pang customer.  Nakita ko ang takot sa muka ng tindera, sabay sabi na lang na, "Pasensya na po sir, eto na lang po, plastic bag."  Sows! Meron naman palang plastic bag eh, pahihirapan pa ako.  Sabi ko sa kanya wag syang mag-alala dahil hindi ko naman sya isusumbong kay mayor saint peter, pero kung talagang mapilit sya na hindi magbigay ng paper bag sa mga customers nila, eh mainam nga na magsara na muna sila.  Tama naman ako, di ba?  Magtitinapa kaya ako, kaya alam ko ang wastong pakikitungo sa mga mamimili. XD

Meron kaming highschool reunion sa susunod na linggo ata - hindi ako sure sa date.  Hindi ko pa kasi alam kung pupunta ako o hindi.  Yung orihinal na usapan nila eh sa isang bar sa  Bellevue Hotel sa Alabang gaganapin ang reunion.  Hindi ko alam kung matutuloy nga doon.  May mga kausap pa ata silang mga sponsors para sa mga paraffle-shits.  Ewan ko, pero parang nakakahiya kasing magpakita sa mga kaklase ko.  Ano nalang sasabihin nila pag nalaman nila na tindero na ako ng tinapa?  Baka mainggit sila - at ito ang ayaw kong mangyari.  Hahaha!  Gusto ko ring makita ang mga kaklase ko pero parang nag-aalangan ako.  Hindi kasi ako sanay sa mga sosyal na bars at hotels.  Pang kanto lang ang inuman na madalas kong mapuntahan.  Isa pa, hindi talaga ako sanay makipag-kiss-ass sa mga dati kong kaklase.  Actually, hindi lang sa kanila, kundi sa lahat ng mga dati kong nakasama.  Anti-social talaga ako.  Hindi naman kasi lahat ng pupunta doon ay kaibigan ko.  Kung makikipagkita ako, doon na lang siguro sa mga totoo kong kaibigan.  Bahala na kung pupunta. 

(edit) Nakita ko lang ngayon, nakafollow pala ang class valedictorian namin sa blog na 'to.  Hi Rexie. XD

Ngayon lang ako ulit nadalaw dito, kaya pagpasensyahan niyo na kung hindi ko nadadalaw ang blogs ninyo.  Next week, pangako, gagaan na ang sched ko.  Quota na kasi ako sideline ko - marami na akong natabas na toothpick.  The week after next week na ulit ako papasok sa pagrika ng toothpick. XD

O sya, byerts! XD



Wednesday, January 26, 2011

Ano Daw?



Una, nais kong magpasalamat kay nyabachoi sa paggawad sa akin ng award na ito.  Sya ang unang nagbigay nito.  Pero dahil sa tagal kong hindi nakapagpost, may dalawa pa uli na nagbigay ng parehas na award; sina leonrap at superjaid.  Salamat sa inyong lahat! XD  Pero sa totoo lang, naguguluhan talaga ako kung bakit "stylish" ang kategorya/pangalan ng award.  Hindi ko alam kung alin ang stylish sa akin / sa blog ko / sa pagsusulat ko.  Wala naman kasi.  Hindi ako nagrereklamo ha, kapal naman ng muka ko kung tatanggihan ko ang award, hahaha, kahit best actor award pa yan, o supporting actor, tatanggapin ko parin yan.  Medyo naguluhan lang talaga ako.

Ito daw ang rules sa pagtanggap ng award:
  • Thank and link back to the person who gave you this award
  • Share 7 things about yourself
  • Award 15 recently discovered great bloggers
  • Contact these bloggers and tell them about the award

Muka namang walang kinalaman ang "stylish" sa rules ng award, so ipapasa ko na lang ito sa mga bloggers na madalas matambay dito o madalas kong tambayan ang blogs.  Sa madaling salita, ibibigay ko ito sa mga madalas kong makita dito at sa madalas kong bisitahin (kahit na hindi bumibisita dito).

Game...

7 things about myself:
  1. Tamad ako sabi ng marami.  Naniniwala naman ako dahil madami rin silang ebidensya.
  2. Mahiyain ako.  Mas madaldal ako sa email/blog/facebook (yan lang ang meron ako) kesa sa personal.  Nahihirapan ako makisalamuha sa mga bagong kakilala.
  3. Madami akong kayang gawin, pero hindi ako naging dalubhasa sa kahit anong larangan.  Mediocre-level lang lahat.  Sa ngayon, nahihilig ko sa pagpinta.  Siguro sa March iba naman.
  4. ABS-CBN talent ako noong araw. Sumali ako sa himig handog love song na pakulo ng abs-cbn noong 17yo ako. Syempre, hindi ako nakasama sa finals.  Semis lang.  Sumali din ako sa GAMEKNB.  Hindi rin ako pinalad.  Sira kasi ang detector ng napwestuhan ko (o feeling ko lang).
  5. Nagsimula akong mag drive ng kotse sa edad na sampu.  Washing machine ang una kong nadisgrasya.
  6. Ex ko si Maja Salvador.  Syempre joke to.  Hindi ko sya sinagot.
  7. Feeling ko tumatalino ako pag nakakakain ako ng chocolate.  Directly proportional ang pagtalino at pagchubby ko. Alam mo na ang mangyayari pag pumayat ako - lalala ang kondisyon ko.  (nakakatawa ang salitang "lalala".  isang tunog lang na pinaulit-ulit.  parang yung tanong lang na "bababa ba?"  parang sina sitsiritsit-alibangbang lang ang nag-uusap.)
At ang mga pagbibigayan ko ng award na ito ay sina:

Errr.... yung mga nasa blogroll ko sa gilid. XD  Sorry kung hindi ko sinunod ang rules.  Hindi naman talaga ako mahilig sumunod sa mga ganitong pakulo, pero nagpapasalamat parin ako.  Hindi ko pa naaupdate ang blogroll ko, kaya wag sanang magtampo kung wala pa ang link ninyo sa gilid.  Pasensya na, naisin ko mang-ilagay at isa-isahin kayong lahat eh gahol ako sa oras.  Busy mode kasi ako ngayon.  Isiningit ko lang talaga ang post na ito sa busy sched ko para pasalamatan ang tatlong tao na nagbigay nitong award sa akin.  Ngayon lang din kasi ako naging busy simula noong nagresign ako sa trabaho noong nakaraang taon, sana ay maintindihan nyo.  May pagkakataon kasi ako ngayon na gumawa ng kaperahan, kaya syempre sinasamantala ko na.  Masisisi nyo ba ako?  Dapat lang hindi! XD haha

Siguro espesyal na pasasalamat nalang kala maldito, glentot, lio, jobo, ms.N, jag, jepoynyabachoi at sa iba pa na madalas mapadpad dito at/o madalas kong bisitahin at makaututang dila.  Sa kanila ko kasi minsang nadama na may kausap ako sa blogosperyo.  Iba kasi yung nag-iiwan lang ng komento sa nakikipag-usap.  Marami pa akong gustong banggitin na bloggers, pero sa susunod na lang, sana ay walang magtampo dahil lahat naman kayo ay espesyal sa kidneys ko.

Salamat din pala kay jobo  (dalawang beses ko na nabanggit ang pangalan mo kaya may bayad na 'to!)sa pag nominate sa akin sa kategoryang friendliest blogger sa The Annual Blog Awards.  Syempre, hinding-hindi ako mananalo doon sa dalawang punto; una, hindi naman ako friendly, pangalawa, konti lang ang talagang nakakaututang dila ko, sa makatuwid - walang boboto.  Binoto lang nya ako para makahirit sya ng painting, in short hindi bukal sa kalooban nya ang ginawa nyang pag nominate.  Sorry, pero hindi ka nagtagumpay.  Hahaha. XD

Na-miss ko ang pag bloghop.  Babalik din ako, siguro next week, pag maluwag na ang oras ko.  Mag baback-read ako ng bonggang-bongga.

Salamat everyone!

Byerts! XD



Tuesday, January 18, 2011

Malamig ang gabi, ang sarap [tapusin ang pangungusap nang ayon sa iyong konsensya]

Ang lamig!  Nitong mga nakarrrrrraang gabi napansin ko na parrrrrrang sobrrrrrra ang lameeeeeeg.  Parang wala ako sa Metro Manila.  Sa katunayan, nakajacket ako ngayon (na ilang buwan ko ring hindi nagamit) at may malamig na milo (malamig parin) habang tumitipa sa keyboard.  Sarap!  Hindi naman ako nahilig sa mainit na inumin.  Mapa-kape o tsokolate gusto ko laging malamig, kahit na malamig na ang paligid.  Ang sarap sanang may kayakap sa mga panahong tulad nito - bed weather.  Pero dahil wala naman akong syota at walang chicks na gustong yumapos sa aking slightly chubby na pangangatawan,  pasimple ko na lang yayakapin mamaya ang aking sariling mga bisig sa pag-idlip.

Medyo marami akong ginawa nitong nakaraang linggo.  At mas magiging busy na ako lalo kapag natanggap na ako sa inaaplayan kong tindahan sa pamilihang bayan ng Muntinlupa.  Matutupad ko na rin ang pangarap ko na maging tindero ng tinapa.  Actually, pangarap yan ng bunso naming kapatid.  Ako na lang ang tutupad para sa kanya. Tamad kasi sya mag-aral noong elementary sya at ang panakot nila nanay sa kanya eh magiging tindera sya ng tinapa paglaki nya kapag hindi sya nag-aral ng mabuti.  Malugod naman nya iyong tinanggap - bumanat pa na marangal naman daw na trabaho ang pagtitinapa.  Tama naman.

Noong Biyernes eh dumalo ako sa kasal ng aking mabuting kaibigan na si Chris.  Sa St. Joseph Church sa Las PiƱas ang kasal.  Hindi ka tiga-LP, siguro ay hindi ka pamilyar sa St. Joseph Church, pero malamang sa malamang ay narinig mo na ang pamosong Bamboo Organ.  First time kong makapunta sa simbahan na 'yon, at 'yon na rin ang aking unang pagtapak sa simbahan at unang kasalan na inatenan ko sa taong ito.  Oh di ba, back-to-back-to-back ang first time, kaya nag wish ako.  Hindi naman para sa akin ang wish ko kundi para sa bagong kasal.  Na sana ay maging matiwasay at habambuhay na maligaya ang kanilang pagsasama!

Napadami ako ng kain sa reception.  Bihira lang kasi ako maka-attend sa mga ganoong handaan kaya sinulit ko talaga ang buffet dinner. Sa mga kasalang napuntahan ko, never pa ako sumali sa kahit anong pakulo, kaya nung naramdaman ko na malapit na magsimula ang paagaw ng garter, palihim na akong umeskapo.  Pero hindi rin natuloy ang balak ko dahil bago pa man ako makalabas eh narinig ko na si Chris na tinatawag ang pangalan ko sa mikropono - ayown, hindi na ako nakatanggi.  Dahil lagi na lang iniiwasan ang garter sa mga ganitong okasyon, binaliktad ng host ang mekaniks.  Ang makakakuha ng garter - OUT.  Inulit-ulit ang paghagis hanggang sa isang lalaki na lang ang naiwang hindi nakakahuli sa garter.  At si Kaloy ang lalaking 'yon.  Pero sinadya talaga ni Kaloy na hindi makiagaw sa garter.  Hmmm...maparaang bata! XD

Hindi pa doon natapos ang gabi dahil pagkatapos ng reception ay dumaan pa kami sa bahay nila para sa isa na namang equally engrandeng kainan at inuman.  May mga pictures pero hindi ko na dito ilalagay, tinatamad ako mag upload.  Eto na lang ang picture ng bagong kasal.  Hindi pwede ang close-up dahil wala naman akong pahintulot na ilagay ang larawan nila dito.


Chris and Joy. XD

At kahit na hindi nya ako kinuhang bestman o kahit groomsman man lang (nagtatampo talaga? haha), ibibigay ko parin sa kanya ang painting na ginawa ko talaga para sa kanila.  Hindi ko dinala noong araw ng kasal kasi wala naman akong dalang sasakyan, at saka nagdadalawang isip pa kasi ako noon kung ibibigay ko nga ba yung painting o hinde, hahaha, pero syempre ibibigay ko talaga sa kanila.  Ewan ko, medyo nalulungkot lang kasi ako na ipamigay yung painting, para kasing may sentimental value na sa akin ang bawat isa sa mga simpleng pinta ko kahit ba parang kinahig lang sila ng manok na nagtampisaw sa pintura.  Buti sana kung bibilhin, kikita pa ako, hahaha. :-)  Invited ako sa Thursday sa bahay nila Chris para mag lunch (actually, sinabi lang na pumunta ako nang lunchtime sa kanila - hindi naman sinabing papakainin ako ng lunch.  assuming lang ako).  Dun ko na lang ibibigay ang painting nila. Panget ang painting ko, pero mas may halaga 'yon sa tingin ko dahil may labor of love ang regalo ko.  Isang simpleng pinta na maituturing ngunit extra special dahil bahagi iyon ng aking pagkatao - at iyan ang matatawag kong tunay na regalo; higit sa anu mang pera, plato, mug, rice cooker, plantsa, picture frame, kaserola, arinola, atbp., na regalo ng iba.  Haha. XD  O sya, akin na talaga ang perfect gift.  Hahaha! XD

Oh, byerts!



Monday, January 10, 2011

WORD VERIFICATION SHITNITZ

[Mukang masyado yata akong sinisipag mag-update ng blog ko.  Iba talaga pag walang ginagawa, hahaha. XD]

Kahapon ko pa dapat ito balak gawin pero binigyan-daan ko muna ang Black Nazarene.  Syempre, mas importante naman ang Nazareno kesa sa walang kwentang subject nitong post ko today.  Kahapon kasi, naggala-gala ako sa sangkablogosperyohan at napadpad ako sa blog ni superjaid.  Natuwa ako sa nabasa ko dahil naalala ko ang kabataan (kabataan talaga? haha) ko sa pumapag-ibig nyang post.  Sa totoo lang, nakakabadtrip din minsan yung mga word-verification-shits na kailangan mo pang i-type para payagan kang magkomento.   Kung minsan, kailangan ko pang ulit-ulit ang pag enter sa word verification.  Nakakaloko.  Takte kasing captcha yan, parang hindi nakikinig (o nagbabasa) sa tinatype, minsan naman parang pabago-bago at nang-aasar lang talaga.  Minsan kahit siguradong-siguradong-sigurado akong tama ang inenter ko eh mali parin daw.  Lintek.

captcha: "word verification is papiritpaparirit"
ako: ita-type ko  yung wv na "papiritpaparirit"
captcha: "incorrect wv, you typed papiritpapapirit"..."wv is papiritpaparirit"
ako: ita-type ko ulit yung wv na "papiritpaparirit"
captcha: "incorrect wv, you typed papiritpapapirit"... "new wv is papampam, pls type papampam"
ako: ita-type ko yung bagong wv na "papampam"
captcha: "incorrect wv, you typed papampam"..."wv is papampam"
ako: ita-type ko ulit yung wv na "papampam"
captcha: "incorrect wv, you typed papampam"..."new wv is utohwutoh"
ako:  taena mo captcha!!! (closing comment box)

Ganyan minsan ang nangyayari.  (hindi ko alam kung bat ko naisip na papiritpaparirit ang gawin kong example).  At gaya ng halimbawa ko, nakakaloko at out-of-this-world talaga ang mga salita kadalasan - yun eh kung maituturing nga itong word.  Kaya tinanggal ko yung ganyan sa settings ko eh, istorbo kasi ang tingin ko don at baka tamarin pa magcomment ang bumibisita dito (ang alam ko tinanggal ko... pero kung hinde, sorry, hehe. plst let me know kung meron ding wv dito sa akin pag magkokoment kayo).

Ok, balik tayo sa comment ko kay jaid.  Yun nga, nung magkokoment na ako sa post nya, merong  lumabas na word verification... eto ang screenshot:

Di naman talaga yan bastos, nasa bumabasa lang yan. XD

Lakas mantrip ni captcha.  Dati naka encounter na ako ng phuke - medyo katunog lang naman.  Pero this time, it's the real thing.  Haha.. XD  Just sharing.

Byerts!


Sunday, January 9, 2011

Feast of the Black Nazarene [flash back]


Pista ng Nazareno ngayon.  Balak ko talagang pumunta doon kanina, kaso biglang bumuhos ang ulan.  Nakakahiya naman, ulan lang pala ang katapat ng ga-buhok kong pananampalataya.

Nandoon ako noong 2009 at 2010, alam mo ba?  'Yon yung mga panahon na nasa sobrang baba ng pananampalataya ko at pilit kong hinahanapan ng sagot ang mga katanungang walang gustong sumagot.  Spiritual dryness, kumbaga.  Sinimulan ko sa paghiling ng isang bagay sa Nazareno.  Ang labo ko no?  Kailangan pa munang sagutin ang hiling ko para lang maniwala. 

Madalas sabihin ng mga pari at ng kunsino pang mga butihing alagad ng Diyos na nasa libro daw ang sagot.  Pero ang hinala ko - umiiwas lang sila na sagutin ang mga tanong.  Matalinong paraan ng pag-iwas sa tanong - NOT.

Itanong ko kay Soriano?  Tsk, wala akong balak makinig sa taong mas madumi pa ang bibig sa akin. Wala akong galit sa mga kapwa ko madungis ang utak at bunganga (bunganga talaga, haha).  Ang akin lang, dapat lang na isabuhay ang anumang pinapangaral mo.  Hindi yung panay mura ang naririnig ko sa bibig mo habang nagbibigay ka ng kahulugan ng nasusulat sa Bibliya.  Paumanhin sa mga alagad ni Soriano, pero 'yan ang opinyon ko sa lider nyo.

Si Ely Buendia lang ang pinapakinggan kong Ely.

Sa isang catholic high school ako nag-aral, pero hindi ko talaga nakahiligang magbasa ng Bibliya.  Naging requirement lang para sa akin ang pagbibitbit nito araw-araw.  Mabigat na sa bag, mabigat pa sa kalooban.  Ambigat-bigat kaya ng Bible ko noon.  Ayaw kasi akong bilhan ni nanay ng maliit eh, meron naman daw kasi kami sa bahay, at parehas lang naman ng laman, kaya bakit pa daw bibili ng mas maliit.  Kaya araw-araw, may dala akong mabigat na bible sa school.  Parang nung elementary lang, kapag pinagdadala kami sa school ng dictionary pilit pinadadala sa akin ng tatay ko yung Webster namin na malaki pa sa short-bond paper ang size at higit sa doble ang kapal sa hardbound na Harry Potter and the Deathly Hallows.  Yung tipong pang library na dictionary...ganown.  Ang liit-liit ko pa naman noon.  Sabi kasi ng tatay ko mas kumpleto daw yun kesa sa sampung pocket-dictionary na pinagsama-sama.  Isa pa may service naman ako kaya hindi daw problema masyado ang pagbitbit. Tama naman.  Hindi nya lang alam, muka akong tanga tuwing ilalabas ko na ang dictionary namin sa school.  Dumadagundong ang desk ko pag nilalapag ko na 'yon at lahat ng katabi ko ay nakatingin sakin.  Sikat, pero hindi sa ganoong paraan ko gusto mapansin. Hindi naman ako tumalino dun eh - sa totoo lang.

May hiniling ako sa Itim na Nazareno noong 2009.  At talaga namang pinagsiksikan ko ang sarili ko para lang makakapit sa lubid.  Hindi naman ako nabigo dahil nakakapit ako sa lubid at naihagis ko pa talaga ang panyo ko na bumalik din sa kamay ko na parang may misteryosong pwersa na nag-abot sa akin pabalik.  Gusto kong isipin na ganun nga ang nangyari, pero, maliit man ang chance, pwedeng nagkataon lang talaga ang lahat.   

Ito yung mamang nakaututang dila ko noong Pista ng Nazareno noong 2009. 
Binuhat ko rin yang hawak nya - mabigat, lalo na para sa isang payat at matandang
lalaki na tulad nya.  Hindi ko man lang natanong ang pangalan nya.

Nakakatakot yung eksena noong 2009, sa totoo lang.  Daig ko pa ang sumabak sa sampung concert ng Slapshock (old school pa ang example ko).  Tulakan, at bago ko pa malaman, nasa gitna na ako ng nagkakagulong tao, ilang metro mula sa poon.  Natakot ako dahil mas malakas ang puwersa ng mga tao sa paligid ng nito.  Kung hindi ko alam na pista iyon ng Nazareno, iisipin kong may malaking riot lang na nagaganap.  Hindi dapat ganun eh, lalo na't isang katolikong seremonya ang pagdiriwang.  Pero sa sobrang dami ng tao, mahirap talagang iwasan na magkasakitan, lalo na kung nasa dagat ka ng mga maasim at walang kontrol na grupo - tanging choice mo lang para mabuhay ay ang dumipensa. 

Maraming beses akong kumain ng siko at apak - maasim ang lasa, at talaga namang hindi biro ang ganoong tagpo.  Quits lang naman kung tutuusin dahil marami rin akong paang natapakan ng hindi sadya.  Sa sobrang hirap eh panandalian akong nawalan ng bayag at binalak kong umatras palabas mula sa mga amoy pawis na nagsisiksikang tao, pero hindi rin ako nakalabas kaagad. Na-trap kasi ako sa loob ng mga lalaking magkakakapit-bisig (sila yung nagkokontrol sa crowd na lumalapit sa Nazareno).  Nung papalabas na sana ako, tinanong ako ng mama sa galit na tono kung lalabas daw ba ako o ano.  High blood si manong, kaya hindi ko na siya sinagot.  Ayun, napasubo na ako eh, may high blood na manong pa na nasa likod ko, at dahil nandun narin lang naman ako, go na! Ilang saglit lang at naabot ko rin yung lubid, mga sampung talampakan lang mula sa Nazareno. Nagkaroon pa ako ng pagkakataon na ibulong sa sarili yung request ko habang nakakapit sa lubid, sabay hagis ng panyo. 

Hindi ko na pahahabain pa ang kwento dahil hindi din naman ako nagtagal doon pagkatapos.  May natapakan kasi akong manong at siya lang ang bukod tanging nag-react na nakasandals ako.  Hindi naman daw kasi ako dapat nagsandals kung balak kong lumapit sa Nazareno dahil lahat sila ay nakayapak.  Makakasakit lang daw ako ng mga deboto kaya mas mabuti pang lumabas na lang ako.  Hindi na ako nakahingi ng tawad sa natapakan ko dahil mabilis din kaming pinaghiwalay ng alon ng maasim na tadhana.

Anong nangyari sa request ko noong 2009?  Wala.  Walang nangyari.  Pero ayos lang.  Hindi rin naman kasi solido ang pananampalataya ko kaya marapat lang na hindi ito matupad.  Kapal naman ng muka ko kung magtampo pa ako, haha. Noong 2010, nagsimba lang ako at nakiusyoso.  Hindi na ako nagpumulit sa lumapit sa Nazareno, isa pa nakasapatos ako doon, yung nike na may spikes, yung pang soccer.  Kamusta naman ang matatapakan ko.  At sa nakalipas na taon - 'yon lang ang pagkakataon na nakapagsimba ako.

Tama na 'to.  Ayokong nang magbigay ng update sa aspetong relihiyon ko dahil ayokong mahusgahan at ayoko rin makaimpluwensya ng ibang tao. Basta ang alam ko, may Diyos.

O sya, byerts! XD




Friday, January 7, 2011

Dear Bloggie, kaya pa? XD

[Busy-busyhan mode nitong mga nakaraang araw kahit wala naman talagang ginagawa] 

Noong isang araw, habang ako eh abala sa kung ano, narinig ko si mama na sumisigaw - si tita mo!  Nagulat naman ako, di ko alam kung ano nangyari, at sinong tita ko ang tinutukoy nya.  Nanonood pala si mama ng Eat Bulaga, at doon pala nya nakita si tita na hindi ko na papangalanan dito.  Sumali pala yung tita ko dun sa Juan for all - shit ng Eat Bulaga, at nanalo sya ng 10K (alam mo yung pakulo na may dadalhin ka na kung anong bagay tapos tatayo ka dun sa pila na de-numero, tapos bubunot sa studio ng numero at ang mabubunot ang maswerteng mananalo?  ayun yown).  Nanay ko talaga oh, kung makapagreact naman akala mo sya ang nanalo ng pera.  Syempre lumapit naman ako agad sa tv, bihirang pagkakataon kasi na makakita ako ng kakilala o kamag-anak sa teevee...oo, aaminin ko, medyo naexcite din ako.  Confiiirrmed, si tita nga, at may bitbit pa na tatlong plastic bottles, flashlight, at ulam - kapalit ng sampunlibong piso.

Swerte ni tita, pero sa totoo lang, sana ibang tao nalang ang nanalo.  Wala akong inggit o galit sa kanya ha, hehe (close kaya ako sa kanya), ang akin lang kasi, mas maraming  nangangailangan ng sampunlibong piso doon sa lugar nila higit sa kanya.  Marami na kasing pera si tita, bukod pa sa water refilling station at mga pampasaherong jeep niya, at sa mga pinapasadang taxi at pinaparentahang eroplano.  Pampasweldo nya lang sa mga katulong nila ang sampung libo na iyon eh (biro lang tita...peace, hehe). Joke lang yung taxi. Pero ok na rin na nanalo sya.  Mainam din naman ang ay may extrang cash.  Joke lang din yung eroplano, syempre.

Nagtanong naman si bunso, kailan daw kaya pupunta sa lugar namin ang Eat Bulaga.  Mukang hindi ata narinig ni bunso ang tanong nya.

Bago ko pa makaligtaan -
HAPPY ANNIVERSARY YFFAR'S WORLD!

Dear Bloggie,

Dalawang taon na rin tayong magkapiling sa sangkablogosperyohan, akalain mo yun?!  Sa lahat ng datkom ko simula noong 2005, ikaw lamang ang nagtagal ng dalawang taon, kahit na madalas ay hindi sapat ang oras at atensiyon na ibinibigay ko sayo.  Pero, napansin ko, may mangilan-ngilan naring tao na dumadalaw sa iyo! :-)  Dati kasi, tanda mo, parang tayong dalawa lang ang nag-uusap dito at muka tayong tanga.  Kung sabagay, 'yon naman talaga ang layunin natin noon diba, ang bumuo ng mundo na para sa atin lamang dalawa, kalakip ng lahat ng ka-emohan at kabiguan natin sa buhay?  English pa nga ang medium natin noon at iisang tao lang ang dumadalaw sa atin, kaibigan ko pa sya, at hindi pa sya nag-iiwan ng comment, haha..  Panay negavibes kasi tayo noon eh kaya walang gustong tumambay.  Pero hindi na ngayong taon. XD  (at talaga namang siningitan ko pa ito ng liham para sa iyo)

Oh sya, tama na ang pakikipag-usap ko sa sarili.  Sa totoo lang, masaya ako dahil dalawang taon na ang kuta ko at mukang magtatagal pa ito (kaya mo pa diba?), lalo na ngayong meron ng limang tao na napapadpad dito paminsan minsan (yey).  Maraming salamat sa inyong lahat!  Pagpasensyahan nyo na kung minsan (o madalas) ay masyadong mahaba ang aking mga komento sa blogs ninyo.  Nasabihan na kasi ako minsan na para daw akong gumagawa ng blog sa blog ng iba, haha, sorry naman. Iniiwasan ko na iyon ngayon.  Nais ko ring humingi ng paumanhin kung sa inyo ay tunog-nagmamarunong ako  sa pagbibigay ko ng komento sa inyong posts.  Opinyon ko lang naman (at kung minsan ay sarili kong karanasan) ang aking binibitiwan sa comment box, isang paraan ng aking pagpapahayag kung sang-ayon ako, o kung nagustuhan ko man o hindi ang nabasa ko sa inyong datkom.  Sana ay huwag masamain kung magbanggit ako ng ilang bagay na taliwas sa ipinapahayag ninyo sa inyong posts.

Tuwiran ako kung magkomento, ngunit hindi ko kailanman intensiyon na makasakit ng iba, kaya LAGI kong pinipili ang mga salitang ginagamit ko.  Kung taliwas man ang komento ko sa anumang pahayag ninyo sa inyong post, hindi ito nangangahulugan na mas magaling ako kesa sa inyo kaya wag sana ninyong masamain.  Hindi bat mas mainam na makakuha ng komento na may talino at laman lalo na sa mga usaping seryoso, kesa makakuha ng mga komentong nakikipag-kiss-ass lang naman talaga  para lang makahirit ng "follow my blog naman po"?  Hindi ba?

Kaya rin siguro wala gaanong bumibisita dito - bukod sa boring ang mga pinaglalalagay ko, eh mahina pa akong makipag-kiss-ass sa ibang bloggers. :-(

May nagtampo kasi sa aking blogger at mukang tinanggal talaga ako sa kanyang blogroll nang dahil sa isang komento, hehehe.  Oo, napansin ko talaga ang pagkawala ng link ko dahil madalas akong mapagpad sa datkom nya.  Nandun 'yon dati pero biglang nawala, hehe. Pero hindi naman ako galit. 

Pasensya na kung hindi mo nagustuhan ang komento ko.  Hindi ako nagmamarunong at lalong HINDI ko sinasabi na mali ka sa iyong punto.  Nais ko lang naman na ibahagi ang aking pananaw tungkol doon.  Alam kong WALANG MALI sa binitiwan kong komento  (oh eto ha, wala itong bahid ng pagmamarunong at pagmamayabang.  Sinasabi ko ito ayon sa pagpapalaki sa akin ng mga magulang ko; sa kung ano ang alam kong tama at hindi.)  Hindi mali ang magpahayag ng pananaw kung sa maayos na paraan ito gagawin - na sa tingin ko eh ang ginawa ko.  Simpleng komento lang naman ang ginawa ko eh, nagkataon lang na taliwas ito sa nabanggit mo sa post mo.  Gayun pa man, humihingi ako ng tawad sa'yo.  Hindi ko alam na sensitibo ka pala sa mga taong sumasalungat sa iyong pananaw. At para hindi ka na mabadtrip sa aking matapat-at-bukal-sa-puso na mga komento - hindi na lang ako magko-comment sa blog mo.  Ayoko naman palaging "i agree" o "oo nga" na lang ang magiging komento ko sa blog mo.  Mahirap 'yon.

Sa mga napapadpad dito, maraming salamat sa inyong lahat. XD




Tuesday, January 4, 2011

Mon Objet D'Art V [yeah, i think i need to put up a new site for my paintings]

Kahapon ko talaga balak gumawa ng panibagong pinta, pero nagkaayaan bigla sa bahay na manood ulit ng sine.  Si Creamer ang dapat kong kasama na manonood ng Dalaw (takte sakit sa batok ng tili ni kris, ampanget pang umarte), pero dahil wala naman akong pera at ayaw ko namang magpalibre sa kanya, sinabi ko na ipagpaliban nalang muna namin ang movie-date.  Prinsipyo ko yan sa buhay - hindi dapat kelan man nagpapalibre ang lalake sa babae (pero kapag kapatid ko ang manlilibre, ok lang, nyahaha). Madalas ay gabi ako gumagawa dahil mas sanay ako na gising sa gabi dahil narin sa nagdaan kong trabaho (hindi sa putahan, pero parang ganun narin ang nature) pero tinamad ako bigla, medyo nandidilim kasi ang paningin ko.  Pakiramdam ko ay mas mabilis na tumatanda ang mga mata ko.  Bihira na nga ako magbasa ng libro ngayon sa dilim eh, at kumakain na rin ako ng kalabasa at kerots at iba pang gulay na pampalinaw ng paningin, pero parang hindi naman gumagana.  Oktubre lang noong 2009 ako nagpagawa ng bagong antipara, tapos ngayon parang kelangan ko na naman ng bago.  Pfft.  Magpapagawa na lang siguro ako ng panibago pag nagkapera na ulit ako.

Iniisip kong baguhin ang psuedo ko, o ang pangalan mismo ng site na ito.  Kasi, errr, nitong mga nakaraang araw, nadiskubri ko na meron din palang ibang blogger na gumagamit ng pangalang yffar at raffy (at napakaselfish ko talaga para isiping ako lang ang pwedeng magtaglay ng pangalang yan sa sangkablogosperyohan, haha).  Hindi naman sa pinagdadamot ko ang pangalan ko, ang akin lang naman eh, sa mundo kung saan hindi naman lahat ay kilala ako sa drama ng totoong buhay, tanging pangalan ko lamang ang maaarin kong iwanan bilang bakas ng pagkakakilanlan.  Hindi ko na ieexplain ng husto.  Pag-iisipan ko muna kung dapat nga ba akong magpalit-ngalan, o kung paninindigan ko nalang na isa lamang ako sa mga bloggers na may napakasimpleng pangalang yffar/raffy.  Pfft.

At para paikliin na nga ang mahabang pasakalye, dahil nahihilo nga ako kagabi, kanina na lang ako nagsimulang gumawa ng panibagong artwork.  Dyaran!

"untitled" Acrylic on 20x16 inch canvas.
Floral abstract using large brush strokes.  It was fun creating this. XD

Isang klase ng brush lang ang ginamit ko dito (1 inch brush), at natutuwa ako na maayos ang kinalabasan ng eksperimento ko.  Mas makulay yung nauna kong ginawa na still-life, pero parang mas gusto ko ang isang ito kasi mas nag-enjoy ako sa pag-gawa nito, kaya naisip ko na ito nalang ang ibibigay ko sa kaibigan kong ikakasal sa susunod na linggo. XD

Matatagalan pa bago ko masundan ito.  Wala na kasi akong canvas.  Marami pa naman akong oil at acrylic paints, pero ibat-ibang shades lang ng green, yellow, at red.  Kung marami lang sana akong pera pambili ng canvas/plywood/cardboard, mas mapapadalas ang pag-eeksperimento ko.  Kaso, kailangang magtipid, so tiis muna sa libog ko sa pagpipinta, haha. XD

Byerts!



Sunday, January 2, 2011

Mon Objet D'Art IV

Here is a new work I made yesterday (yep, my first in 2011) which I plan to give as a wedding gift to a very good friend.  Ikakasal sila in two week's time.  Wala akong extrang cash pambili ng regalo, so ok na siguro ang isang simpleng painting.  Again, I'm not a schooled artist, kaya wag sana masyadong laitin, haha.  Titigil din ako pag naubos na ang pintura ko. XD


"untitled" Acrylic and Oil on 20x16 inch canvas
I might do another one tomorrow.  Pagpipilian ko nalang kung alin ang mas magandang ibigay na regalo.  Kung hindi man ako makagawa, baka yan na lang talaga ibigay ko.


Below is another simple work I started last week (or last year, technically), as requested by my sister.  This is completely her idea.  Gusto daw nya ng teddybear na may passport - ibibigay daw nya sa kaibigan nyang papaalis ng bansa.  Ewan ko dun, aalis na ng bansa gusto pang bigyan ng bitbitin.  Hindi pa yan tapos, may kung ano pa syang pinapagawang shit dyan.


Acylic on 12x9 inch canvas

Tinatamad na akong tapusin yung teddybear-project nya.  Bahala na kung sipagin pa ako.

O sya.  Byerts! XD



Saturday, January 1, 2011

Welcome 2011! :-)

Post sa FB ng classmate ko nung HS - taon na ng onse-han! Hahaha... parang ampanget pakinggan. XD

Maikling post lang ito para batiin ang 2011.  Naway maging maligaya at payapa ang taong ito para sa atin.  Ulanin sana tayo ng swerte, bagyuhin ng biyaya, at bahain ng limpak-limpak na salapi!

Hindi ako naniniwala sa horoscope shitnitz, pero kumunot parin ang noo ko sa narinig ko sa tv kanina.  Sa taong ito, swerte daw ang zodiac sign ko...sa kaibigan.  May mga kaibigan daw ako na matatakbuhan sa oras ng kagipitan (at may kagipitan pa talaga na magaganap? pano kung magkatoto yan? lokong astrologer yun ah).  Ok naman ang swerte sa kaibigan, pero mas gusto ko ang swerte sa pera! pera! pera! hahaha (oo, ako na mukang pera). XD

O sya, naghihintay ang inumin.  Manigong bagong taon sa inyong lahat! XD

Byerts!


LinkWithin

Related Posts with Thumbnails