Isang pangkaraniwang araw/gabi lamang ngayon. Walang bago. Puro luma't inaamag lamang na karanasan at ideya ang maaaring kong ibahagi dito. Haiks. Eh paano ba naman magkakaroon ng bago, ikaw ba naman itong tumambay sa bahay ng ilang buwan at walang ibang gawin kundi magkamot ng ano, wala talagang interesanteng bagay ang maaari mong maikwento.
Nakita ko sa blog ni gillboard noong isang araw ang kwento ng kanyang buhay elementarya, at naisipan ko itong gayahin. Ingetero lang ako, ipagpaumanhin.
Tutal naman ay bored ako, idadamay ko narin kayo. Kung ayaw mong magsisi dahil sa haba nito, wag mo nalang basahin. Payo lang.
Grade 1:
Mahirap lang kami, kaya sa public elementary school ako pumasok. At dahil natural na sa pamilya namin ang pagiging late kahit saan mang lakad - late rin ako na-enroll ng nanay ko. First-come-first-served ang siste sa public school. Dahil late ako na-enroll, section 20 ako napunta. Kada section noon ay may 50 na estudyante. Samakatuwid, nasa pagitan ako ng ika-950 at ika-1000 na enrollee. Ang room namin ay nasa pinakadulong building at pinakamabahong parte din ng eskwelahan. Bakit pinakamabaho? Kasi ang pinakaluma at pinakamabahong cr ng eskwela ay nasa likod lang ng room namin, at ang opisyal na basurahan ng eskwela ay 5 kandirit lang mula sa room. Mas Malas ang section 21, dahil isang hakbang palabas sa pinto, sabay pihit sa kaliwa, ay basurahan na.
Hindi naman ako nagtagal sa section 20, dahil pagkatapos ng dalawang buwan ay inilipat ako ni titser sa section 3. Hindi ko alam kung ano talaga ang nangyari. Siguro ay narealized ng teacher ko na hindi ako nababagay sa mabahong lugar na yon (arte lang, haha). Pagkatapos nga ng dalawang buwan ay nanibago akong muli dahil iba na naman ang mga muka ng classmates ko. Akala ko noon makakahinga na ako ng maluwag kahit papano, pero hindi pala doon nagtatapos ang usapang baho. Nagkaroon ako ng seatmate na may luga, at hindi kaaya-aya ang amoy nito. Katabi ko sya sa upuan. Hindi ko naman talaga sya katabi noong unang lipat ko dahil nakaupo siya sa unang row at nasa bandang gitnang row ako. Mangyaring hindi na nakatiis ang titser namin sa kanya, kaya ilang araw mula noong lumipat ako, pinalipat din nya si classmate-na-may-luga ng upuan - sa tabi ko. Lahat ata sila ay pinagdaanan ang karanasang iyon, at nagkataon lang na ako ang huling mag-aaral sa klase, kaya ako narin ang nagdusa buong taon. Hindi naman ako lugi. Quits lang kami nung katabi nya sa kabilang silya.
Grade 2:
Nalipat ako sa section 2. Dito ako unang nagkaroon ng mga kaibigan. Naging matalik na kaibigan ko si.... errr....shit, sorry, nakalimutan ko ang pangalan nya. Basta tanda ko yung water jug nya na tadtad ng stickers ng teenage mutant ninja turtles na lagi ko ring iniinuman. Lumipat kasi sya sa isang private school pagkatapos ng taon kaya hindi ko na sya matandaan. Bata palang ay pawisin na ako. Lalo na ang kamay ko, sa sobrang pasmado ay pwede na itong lagyan ng gripo kapag pinagpapawisan, kaya naman lagi akong may baon na panyo - at walang palya yan. Trademark ko nung estudyante ako ay laging may pinapatungang panyo ang kamay ko pag nagsusulat. Isang araw, may pagsusulit kami. Ang masamang balita - naiwan ko ang panyo ko, pumalya ako. Kung nag-aral ka rin sa public school, malamang ay alam mo na laging sira ang bintilador sa mga classrooms. Habang nag-e-exam kami, habang tahimik ang buong klase, ako ay pawis na pawis at init na init, at ang test paper ko - basang-basa. Sa sobrang basa ay hindi na ako makapagsulat ng maayos. Nabubutas ang papel kapag sinusulatan ko na ng lapis. Natakot ako na hindi ko matatapos ang exam, at napaiyak ako dahil dito. Nakakahiya mang aminin, umiyak ako sa klase. Pinuntahan naman ako ni titser at tinanong kung bakit ako umiiyak. Awang-awa sa akin si Mrs. Flores, kaya pinaypayan nya ako habang nakaupo, at nagtanong rin sya sa klase kung sino ang may extrang panyo, at di naman ako nabigo dahil may nagkusang magpahiram ng bimpo. Natapos ko rin ang exam at umuwi ng maligaya.
Kinabukasan, maaga ako dumating ng school dahil maaga kami sinundo ng tricycle na service ko. Panghapon ang mga grade 2, at habang naghihintay kami ng mga kapwa-ko-maaga-dumating-na-classmates na lumabas ang mga morning shift na grade 1, nagdesisyon kami na maglaro muna ng habulan. "Mataya-taya" kami sa quadrangle sa ilalim ng araw sa katanghaliang tapat. Hindi namin namalayan na lumabas na pala ang mga grade 1 students at napansin nalang namin na tinatawag na kami ni Mrs. Flores. Patay, galit si ma'am! Lahat kami na nag mataya-taya ay napalo (namamalo pa ang mga titser noong dekada 90), pero dahil espesyal akong estudyante, may bonus ako kay ma'am. Sobrang sakit sa pingot na halos pumilas sa tenga ko. Sabi ni Mrs. Flores, "At ikaw, tatakbo-takbo ka dyan, tapos pag pinawisan ka na naman iiyak-iyak ka!!!" -sabay pingot. Hindi na ulit ako naglaro ng mataya-taya kapag malapit na magsimula ang klase simula noon.
Grade 3:
Section 2. Si Mrs Amante ang adviser ko. Meron syang kakaibang katangian, at dahil dito ay sobrang sakit nyang mamingot at manghila ng patilya. Ano ang kakaiba nyang katangian? Dalawa ang hinlalaki nya sa kanang kamay! Titser rin namin sya sa math. Hindi ako mahilig mag-aral noong bata ako. Hindi naman kasi ako pinipilit na mag-aral sa bahay ng magulang ko gaya ng ibang bata na kilala ko. Understanding si erpat at ermat sa karapatan kong makapaglaro at makapaglibang bilang bata kaya naman lagi akong laman ng kalsada. Pero dahil dalawa ang hinlalaki ni mam sa kanang kamay at ayaw kong masabunutan sa patilya ng ubod-ng-sakit, napilitan ako na sauluhin ang multiplication at division table. Kabisado ko yan, kahit pagbalig-baligtarin mo pa dati - salamat sa takot ko sa titser ko. Feeling ko tuloy noon ay matalino ako sa math kahit kabisote lang naman talaga ako.
Grade 3 din noong una (at huli) akong tumae sa cr sa eskwela. Hoy hoy hoy, alam ko iniisip mo. Iniisip mo na sa classroom talaga ako tumae at nagkukunwari lang na sa cr ako tumae, ano? Loko, hindi no. Sa cr ako tumae, pero may nakakita sa akin na tumatae ako sa cr, si Palito (di tunay na pangalan ng hayop). Bihirang-bihira lang ako pumasok sa cr dahil nakakawala sa tamang pag-iisip ang amoy ng cr sa public elementary school. Isa iyong buhay na patunay ng impyerno sa lupa. Balik sa cr: noon ngang oras na yon, meron palang sumunod na nag may-i-go-out sa klase, at nakita nya nga ako na lumabas mula sa cubicle. Siya ang mortal enemy ko noon at dalawang beses kami nagsuntukan (may kwento tungkol dito mamaya). Tumae si Palito sa klase noong grade 2 kami, at akala nya ay pagkakataon na nya iyon para makabawi sa lahat ng kanyang pagdurusa noong grade 2. Pagdating ng break, tuwang-tuwa niyang pinagkalat sa buong klase na nakita daw nya akong tumatae sa cr. Ang walangyang hitad, gusto pang dungisan ang karangalan ko sa school. Syempre hindi ako nagpatalo. Kaya para ibangon ang sandaling-nadungisan ko na dangal, inungkat ko ulit ang pangyayari noong grade 2, na buti pa ako at sa cr tumatae, hindi kagaya nya na sa klase nagkalat ng lagim. Ang ending - sya parin ang talo. Bihira ako mang-asar noong bata, pero grabe ako mang-asar pag nasa mood.
Grade 4:
Section 2 parin. Mabait ang titser namin, si Mrs. Gudoy, siguro ay dahil sa ang anak nya na si Cherry ay kaklase din namin. Nabanggit ko kanina na nakipagsuntukan ako ng dalawang beses kay Palito. Dito 'yon nangyari. Dati ng mabigat ang loob ko kay Palito dahil alam kong ninakaw nya ang paborito kong lapis noong grade 3. Sinasabi nya na kanya ang lapis, pero alam kong akln yon dahil may palatandaan ako. Uso ang gagamba noon (spider derby) at bida ang mga batang may malaking panlabang gagamba. Isang araw, habang ipinapakita ko ang aking gagamba sa mga kaklase, sinadya ni Palito na pitikin ito. Nalaglag ito sa sahig at nagkagulo ang iba hanggang sa natapakan ang gagamba ko. Right there and then (umiinglish bigla) ay tinulak ko sya, sabay kantyaw ng "hawakan mo nga sa tenga" ng iba kong kaklase, at nauwi na nga ito sa suntukan. Hindi ko alam kung papaano kami naawat.
Hindi doon natapos ang suntukan namin. Dahil hindi ako makaget-over sa ginawa nya sa gagamba ko, kinabukasan ay gumanti ako. Habang break, inubos ko ang laman ng malaking lalagyan ng paste ko at nilagay ko sa isang papel, sabay punta kay Palito na noon ay nakaupo lang. Binatukan ko si Palito habang nasa kamay ko ang papel na punong-puno ng paste. Hindi sya nakapag react agad, nagulat sya. Mabait akong bata, pero lintik lang talaga ang walang ganti. Mangiyak-ngiyak nyang tinanggal ang papel sa ulo nya at maghapon syang nagtatanggal ng paste sa buhok. Hindi sya nagsumbong sa titser, pero pagkatapos ng klase ay nag-aya syang magsuntukan kami sa bukid sa likod ng eskwela. Lalaki sa lalaki. Kaming dalawa lang ang usapan. Pagdating sa bukid, takte, ang daming estudyante na hindi namin kilala. May iba rin palang nagsusuntukan, haha. At iyon nga, habang may nagsusuntukang iba ay nagsuntukan narin kami habang may bitbit na bag. Syempre, ako ang nanalo. Kwawa siya sa akin. Simula noong huling sapakan namin ni Joel Q (ay si Palito pala), hindi na nya ako ginulo. Hindi ko narin sya tinigilan, este, ginulo.
May magaganda rin namang bagay na nagyari noong grade 4. Dito ako natutong magdrawing at gumawa ng komiks sa likuran ng mga notebooks, dahil narin sa impluwensya ng mga kaklase at kaibigan ko na sina Danmilson at Ogie. Paborito kong idrawing sila combatron at son gokou. Dito rin ako nagkaroon ng seryosong crush - Si Aiza. Hindi na ako mahihiya kahit mabasa niya to, bata pa kaya kami noon!
Pahabol. Dito ko rin unang nadiskubre ang baho ng mga public school pagdating sa mga achievement tests laban sa iba pang public elementary schools. Hindi ko alam kung anong tawag noon sa exam na 'yon, pero ilang beses ako nag-take ng exam gamit ang pangalan ng ibat-ibang estudyante. Hmmm.... Pampataas ng over-all performance ng eskwelahan.
Grade 5:
Nalipat ako sa section 1. Medyo na culture shock ako noong una dahil hindi ako sanay na panay matatalino ang kaklase ko. Nakasanayan ko noon na naglalaro lang ang buong klase kapag breaktime., pero doon ko lang nalaman na iba pala ang kultura sa honor section. Mas mukang seryoso ang mga estudyante. Wala na noon si Aiza dahil lumipat na sya sa private school, kaya nakahanap ako ng bagong crush(es) - Si Christia L at si Sheila Marie C. Ang room namin ay doon sa pinakamagandang room sa main building, malapit sa principal's office kaya bawal mag-ingay ng malakas. Swerte kami sa room, pero may kaakibat din itong kamalasan. Kapag may meeting ang mga school officials/teachers/visitors, room namin ang laging ginagamit. Ang bagsak namin - doon sa malawak na waiting shed sa quadrangle. Kamusta naman, doon kami nakaupo sa maalikabok na semento/hagdan ng quadrangle. Pero tuloy parin ang klase. Actually, masarap naman kahit papano ang pakiramdam ng magklase sa labas ng room. Mas malaya ang pakiramdam dahil mas marami kaming nakikita sa labas at hindi lang panay muka ng titser at blackboard. Minsan naman, pagsuswertihin, doon kami ini-evacuate sa library. First time ko makapasok sa library noon. Di ko talaga maintindihan, pero doon lang sa public school namin ata ang library na bawal ang estudyante sa loob. Nakakapasok lang ako ng library noon kapag doon kami nagkaklase.
Nagkasakit ang driver ng tricycle service ko kaya nawalan ako ng service noong grade 5. Hindi na ako kinuha ni tatay ng bagong service dahil malaki na raw ako. Meron akong kaklase na sa tapat lang ng compound namin nakatira, at hatid-sundo siya lagi ng lolo nya na may traysikel, kaya kinaibigan ko sya. Si Ramon. User friendly lang ako. Kaya ayun, libre sakay narin ako pauwi. At ang natitipid ko noon sa traysikel na pamasahe, pinang-vi-video ko sa may Bergado kapag weekends, sa kanto ng Montillano, Alabang. Favorite ko noong video ay Street Fighter at Samurai Showdown. Baligtad pa noon sa video ang pangalan ni Vega at Balrog ng Street Fighter.
Noong grade 5 ako nagsimulang matutong mag gitara, kasabay ng kaibigan ko at schoolmate na si Noel. At dahil naawa si tatay sa akin dahil nakikigitara lang ako, binilhan nya ako ng sarili kong gitara. Walang marunong tumugtog noon sa klase namin ng gitara, kaya feeling ko ay ang galing-galing ko. Gusto ko rin noon na matuto mag piano, pero dahil nga mahirap lang kami, hindi nasunod ang wish ko kay santa claus na magkaroon nito..
Grade 6:
Section 1. Tumindi lalo ang kompetisyon sa honor section dahil graduating na. Pero wala parin akong pakialam. Chill lang. Mas madalas ang petiks mode namin noong grade 6 dahil graduating na. Dahil honor section, madalas kaming maimbitahan ng ibat-ibat private high-school. Special ang treatment. Minsan kami ang pumupunta sa school nila, minsan naman ay sila ang dumadayo sa amin. Lahat ng ate ko ay sa isang Catholic School nag-aral at alam kong doon na rin ako mag-aaral ng highschool. Pero isang araw, may dumating sa room namin na representative ng isang private school for boys - Southrigde School of Alabang. Tradisyon pala nila ang magbigay ng scholarship sa mga male students ng honor section sa mga public schools. Ang requirements - no grades below 85%, ipasa ang exam nila, at dapat ay medyo may kahirapan sa buhay ang mga magulang/pamilya. In short, yung medyo walang kapasidan na makapag-aral sa private school. Nagpunta kami sa school para magexam - at ampota, sosyal ang students! Sanay kami na nakakakita ng mga batang nagtatakbuhan sa labas ng classrooms, pero hindi kami sanay na mga inglisero ang estudyanteng nagtatakbuhan at labang tide ang mga uniform. Mga taga Ayala Alabang at Alabang Hills kasi karamihan ang estudyante. Mga may kaya at angat sa buhay, at mga spokening-dollars. Pumasa ako sa exam, pero dahil maganda ang trabaho noon ni tatay, hindi rin ako nabigyan ng scholarship. 5 lang ang nakapasok sa scholarship. Ang ending, sa catholic school din ako napunta.
Pinakamemorable ay ang graduation. Nagstart ang graduation ceremony mga bandang alas-kwatro Maraming pasakalye, bago ang awarding of honours at ang pagtanggap ng diploma. Ang section namin ang unang umakyat ng stage. Cool lang kami lahat - ninanamnam ang bawat sandali sa stage. Pero, potah - pasado alas-nuebe na nang matapos tawagin ang lahat ng estudyante. Imagine...21 sections ang grumadweyt...mahigit isang libong estudyante ang tinawag, kumaway, nagmoment, umiyak, at nagpapicture sa stage - isa-isa!!! Nyeta! Pancit lang ang hinanda ni nanay noong grumadweyt ako. Pero dahil naibenta ni daddy ang kanyang sasakyan noong panahon na yon, binilhan nya rin ako ng bisekleta. Grad gift. Para daw sa pagiging mabuti kong mag-aaral. Ayaw nya akong bilhan ng bike noong una, pero nagdrama ako. Bata pa ako noon, at feeling ko madami kaming pera dahil nabenta ang kotse. Gumana naman ang pagdadrama ko at nakuha ang inaasam na bmx. XD Gusto kong palagyan noon ng rotor ang bike ko pero hindi na ito nasunod, mahal kasi ang mag-upgrade.
Malamang-lamang ay nag skip-read ka kung andito ka na sa huling talata. Alam kong walang moral ang kwento, pero wala akong pakialam sayo. Hahaha. O sige na, sa susunod susubukan ko naman ang highschool - mas maikli yun dahil hindi ko natapos ang highschool ko. Hahaha.. joke lang.
Byerts!
P.S. puta - ito na yata ang pinakamahabang walang-kwentang-lathala na naitipa ko dito. Ipagpaumanhin nyo. salamat din kung binasa mo ng buo, haha. XD