Maglilinis dapat ako ng kwarto kanina, pero hindi ko na natuloy. May istorbo kasi. Matagal ko ng hindi tinutulugan ang kwarto ko sa maraming kadahilanan, gaya ng masamang espirito na gumugulo lagi sa aking pagtulog. Biro lang 'yong "masama". Wala naman talaga syang ginagawang masama sa akin, pakiramdam ko lang naman ay lagi nya akong tinititigan hanggang sa pagtulog. Pero ok lang na maramdaman ko ang presensya nya, basta wag lang syang magpapakita.
Hindi tungkol sa multo ang post ko ngayon.
Kanina kasi, sabi ko nga, maglilinis ako dapat ng kwartto ko. Pero nung aayusin ko na dapat ulit yung mga gamit, na ginulo ko the other week, dun sa taas ng cabinet ko, bigla ko na namang nakita ang mga lumang engineering books ko. Sila ang tinutukoy ko na istorbo. Naisip ko na naman na dapat ay engineer na ako ngayon kung hindi lang ako napilitang huminto noon sa pag-aaral. Binuklat ko rin yung mga libro noong huling beses na nag-ayos ako ng kwarto. Sinipat-sipat lang ng kaunti noon. Pero kanina, hindi lang basta simpleng pagbuklat at pagpihit ng pahina ang ginawa ko.
Binasa ko at inaral ang unang chapter ng libro.
Napagtuunan ko ng pansin yung libro ko sa Thermodynamics. Tanda ko pa kung saan ko nabili 'yong libro. May kamahalan kasi sa bookstore ng eskwelahan ni don tomas, kaya para makatipid kahit na kaunti ay dinadayo ko pa talaga noon ang recto para doon bumili ng mga second-hand, pero maayos, na libro. Matino parin ang itsura ng libro hangggang ngayon, kahit na 6 na taon na syang nakatambak sa kabinet. Medyo kulubot na ang cover, dahil narin sa pag-urong ng plastic na ipinambalot ko. Pero syempre, ganun parin ang laman. Nakaka-nosebleed parin. Napasenti mode na naman ako kanina.
Saan na nga ba tumagas ang pangarap ko noon na maging isang magaling na engineer?
Paborito ko noon ang Thermodynamics, partikular ang Thermo 2. Subject na pang third year ang Thermodynamics. Bago mo makuha ang Thermodynamics 1, kailangang pasado mo muna ang Physics 4, Integral Calculus at Chemistry 4 (di ako sure sa Chem). Hindi na simple ang subjects noong third year. Komplikado ang lahat at hindi lang bast-basta memorization, kaya doon ako nagsimulang magseryoso sa pag-aaral. Isa pa, nagkasakit na kasi noon si Tatay - at alam ko noon palang, na manganganib ang buhay ko sa college kung hindi ako makakakuha ng scholarship. Mahal ang pagamot kay erpat, kaya do or die ang sitwasyon ng pag-aaral ko.
Natatandaan ko pa noon, ako ang kopyahan ng mga kaklase kong tamad mag-aral. Hindi ako natutong mangopya noong high school ako. Labag 'yon sa prinsipyo ko dati. Isa pa, matatalino ang mga kaklase ko sa hs at ang sino mang magtangkang mangopya ay pihadong maa-outcast. Kasalanang mortal kasi iyon sa section na halos lahat ay naghahabol sa honor roll. Pero nagbago ang pagtingin (parang crush lang) ko sa pangongopya noong tumuntong ako ng college. Lantaran kasi ang pangongopya at walang hiya-hiya sa mga kaklase. Para akong na-demoralized. Sa section ko noong high school, ikakahiya ang mahuhuling nangongopya (wala akong kilala na nagtangka), pero sa college, ikinakahiya ang hindi nagpapakopya. Aminado ako, na noong una, masama ang loob ko sa pagpapakopya. Hindi naman sa madamot ako sa impormasyon. Masama lang ang loob ko dahil hindi ako makakopya! Lugi ako eh! Malabo ang mata ko at kahit pa nakasalamin ako ay hindi ko rin kita. Kakailanganin ko pang ipihit ang ulo ko ng kulang-kulang 90-degrees para makita ang papel nila. Kaya naman sarili ko lang ang naaasahan ko noon pagdating sa exams.
Una akong nakatanggap ng genuine appreciation sa college noong third year. Sa Thermodynamics 2 class. May mga pagkakataon na sinasabihan ako ng mga kaklase ko na magaling daw ako. Alam kong panay buladas lamang iyon. Pero iba na kapag nanggaling sa isang professor ang magagandang salita. Si Engr. T ang tinutukoy ko, at sikat siya noon sa ME dept. Ayon sa balita, square root lang ng kabuuang bilang ng klase ang madalas na pumapasa sa subject nya. Sa eskwelahan ni don tomas na maligaya na ang estudyante na makakuha lang ng tres, isinusumpa ang lahat ng ganyang klase ng propesor. Istrikto siya sa ang unang araw nya sa amin, at hindi naging maganda ang impresyon ko sa kanya. Parang tipikal na astang-mayabang-na-akala-mo-kung-sinong-magaling-na-prof. Yan ang unang tingin ko sa kanya. Hindi naman nagtagal ang pangit na impresyon ko sa kanya dahil iba sa nauna kong mga prof , natuto ako sa kanya. Hindi sariling aral ang nangyari, sa kanya ako mismo natuto. Quarter term ang educational system sa eskwelahan ni don tomas, kaya lahat ay mabilisan. Kinapos noon sa oras si Mr. T kaya pinagsabay-sabay nya sa loob ng napakalaking classroom ang final exam ng tatlo sa mga sections na hawak nya. Nakapwesto na ako sa upuan ng tinawag nya ako. Nagtaka ako. Pagdating sa harap, sinabihan nya ako na hindi na daw ako pwede mag take ng final exam. Nagulat ako dahil maganda ang performace ko sa klase nya. Tinanong ko sya kung bakit. Sabay tapik nya sa balikat ko, "kahit na ibagsak mo ang final exam, 1.5 pa rin ang grade mo eh. Sisiw lang itong final exam sayo. Exempted ka na". Pumalakpak ang tenga ko (at naramdaman ko talaga). Unang beses kasi na may propesor na nakapansin at nagbitaw ng magandang salita tungkol sa akin. At dahil busy sya, pinakiusapan nya ako na kung pwede daw ay ako ang magbantay sa exam ng klase nya. Kaya naman pala napakabulaklak ng papuring binigay nya sa akin - hihingi pala ng pabor. Naging instant-mini-celebrity ako sa maikling panahon pagkatapos ng final exam sa Thermo 2. Feeling ko rin noon ay matalino talaga ako at tumaas ang self-esteem ko.
3 school terms after that, himinto na ako sa college. Hindi kasi kinaya ng grade ko na makakuha ng scholarship. Bitin ng 0.03 ang marka ko para makakuha kahit ng half-scholarhsip (salamat sa isang kong prof na nagbigay sa akin ng dos na humila sa grade ko pababa). Konting-konti nalang sana. Kung alam ko lang, sana nag-effort pa ako ng mas mabuti para nawala ang 0.03 na difference sa grade requirement. Yun na. May sakit si tatay eh, at paubos na ang pera ng pamilya. Kinailangan ko munang huminto sa pag-aaral.
Hindi na ako nakapagpatuloy ng pag-aaral pagkatapos noon.
Nakausap ko pa si Engr T bago ako huminto, humingi ako ng pabor, na kung pwede nya akong bigyan ng recommendation letter para makapag-apply ako sa Monbukagakusho Japanese scholarship. Hindi siya nagdalawang isip. Alam ko nalungkot si prof para sa akin nung nalaman nya na huminto ako sa pag-aaral. Sabi nya sa akin, ipagpatuloy ko raw ang pag-aaral ko pag nabigyan ng pagkakataon. Malaki daw ang potensyal ko para maging isang mahusay na engineer, at pwede pa raw akong maging higit sa kanya - yan ang sinabi nya sa akin. Nakatutuwang isipin na may taong naniwala at nagbigay ng papuri sa kakayahan ko bilang estudyante. Para sa akin, higit pa ang mga salitang binitiwan nya sa anumang medalya na maaaring iparangal. Hindi lang kasi papuri ang ibinigay nya sa akin, kundi pati tiwala at lakas ng loob.
Hindi rin ako natuloy sa Japanese scholarship dahil hinihingan nila ako ng transcript of records. Ang problema - ayaw ibigay ng registrar ang transcript ko. Hindi ko pa kasi bayad noon ang kulang ko sa tuition. Nasa ospital si tatay noon at nilalabanan ang kanser. Gustuhin ko man bayaran ang kulang ko sa tuition para makuha ang transcript, mas kailangan ni tatay ang pera para sa ospital.
Habang tinitingnan ko ulit ang mga libro ko kanina, hindi ko mapigilang manghinayang. Anim na taon na ang lumipas. Lahat ng inipon kong datos sa utak ko noong nag-aaral pa ako ay parang tuluyan ng tumagas at nasayang. Saan at paano ako ngayon magsisimula? Nalimutan ko na ang lahat ng napag-aralan ko. Ilang taon ding nabakante ang utak ko sa kakaprocess ng request at kakaayos ng problema ng mga kano sa telepono.
Pinangako ko noon na magiging engineer ako ano man ang mangyari. Pero ngayon, hindi ko na alam kung kaya ko pa. Patawad sa sarili ko, parang hindi ko na kayang tuparin ang luma kong pangako. Pakiramdam ko bumaba ang antas ng utak ko. Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pa ang musmos kong pangarap, o kung ipagpapatuloy ko nalang ang pagpuputa ko sa gabi kapiling ang mga putang-inang kano sa telepono. Ang hirap. Masakit na sa bulsa pag ako'y bumalik, pihadong masakit rin sa utak dahil apat na taong impormasyon sa kolehiyo ang kakailanganin kong isaksak ulit sa utak ko para masimulan ang ikalimang taon ng kursong iniwan ko. Basta, huli man, magtatapos parin ako ng kolehiyo, kahit na magshift na lang ako sa mas simpleng kurso, para lang makakuha ng diploma na pwede kong isampal sa lipunang humihingi nito.
***Inilathala ko ito dito para magsilbing hamon sa akin. Hindi mo na kailangang ipamuka sa akin ang dapat kong gawin. Marami akong dahilan kung bakit hindi ko agad naipagpatuloy ang pag-aaral ko. Napag-isip-isip ko, sarili ko lang naman talaga ang pumipigil sa akin. Feeling down kasi ako nitong nakaraang mga araw. Kailangan ko lang ng konting tulak. Balak ko na bumalik next year. Magtatapos ako ng kolehiyo. Period.***