Isang online-diary ang gusto kong mangyari noong nagsimula akong magbato ng titik sa blogosperyo. Plano ko kasi noon na, balang araw pag ako'y pumanaw, merong mababasa tungkol sa akin ang mangilan-ngilang tao na nagmamahal sa akin... kung paano ako namuhay at kung paaano ako tumugon sa mga bagay-bagay sa aking paligid. Hindi ko ninais na magsulat para ibida ang sarili sa mga taong hindi ko naman kilala, o para sa kung ano pa mang lohikal o hindi na rason ng ibang blogeryo. Ayaw ko nga noon na nababasa ng ibang tao ang aking blog. Para lang tanga, hindi ba? Pwede kang tumawa. Bakit nga naman ako gagawa ng blog sa internet, na abot-kamay ng sino mang may sapat na kakayahan at kaalaman sa computer, kung ayaw ko naman itong mabasa ng iba? Madamot ako noon, ayaw ko na malaman ng ibang tao ang mga nararamdaman ko, ang iniisip ko, at mga binabalak ko. Sa isip ko'y para lamang ito sa mga taong malapit sa akin. Sabi ko nga, gusto kong mabasa nila ito pag ako'y wala na. Wala naman kasi akong maipapamanang materyal na bagay sa aking mga mahal sa buhay, kundi tanging mga alaala ng mga pangyayari sa mga panahon'ng namuhay ako sa mundo. Tumagal ako ng limang taon sa pagbablog na walang masugid na tagasubaybay, at iilan lamang ang may alam - karamihan pa sa kanila ay napadpad lamang ng hindi sadya.
Hindi ako magaling magsulat sa tagalog, ganun din sa salitang ginagamit ko noon sa aking pinagtatrabahuhan. Pero sa kabila ng aking kakulangan sa kaalaman, at kung minsan ay lantarang paglabag sa batas ng balarila, sadya man o hindi, ng ating sariling wika at sa wikang frances (joke lang, ingles), minsan parin akong nangarap na balang araw ay makakapagsualt ako ng libro, na, katulad ng orihinal kong balak sa pagkakaroon ng online-diary, ay magiging alaala na maiiwan ko sa mundo. Pangarap lang naman iyon, at nananatili paring ganoon. Medyo bata pa kasi ako noong mga panahon iyon, lahat ng bagay ay gusto kong gawin, at ang pagsusulat ay kabilang sa medyo-may-kahabaan kong listahan. Sa sobrang dami ng nais kong gawin ay, sa totoo lamang, wala akong nagawa ng buo. Lahat ay hilaw at pangkaraniwan lang. Hindi na ako ngayon nanganggarap na makapag-sulat pa ng libro. Hindi naman sa sumuko na ako. Mangyayari na lang ang dapat mangyari. Nais ko lamang unahin, sa ngayon, ang ilang bagay na mas karapat-dapat unahin...mga bagay na naipagpaliban ko at hindi ko naituloy sa maraming dahilan. Isa pa, napag-isip-isip ko kasi na ang seryosong pagsusulat, sa ingles man o tagalog, ay labas talaga sa intelektuwal kong kapasidad. Bukod pa riyan, sadya akong tamad at mabilis mawalan ng gana matapos simulan ang isang bagay; isang hindi magandang katangian na dapat ko munang ayusin sa aking sarili. Nasabi ko na noon minsan na ako'y isang masamang magulang ng aking blog. Kung ang aking blog ay isang sanggol, malamang ay matagal na itong nailibing at naging pataba sa damo. Hindi kasi ako consistent sa pagbisita at pagbato ng akda sa aking blog. At gaya ng nakaugaliaan ko sa aking trabaho, palipat-lipat din ako ng blogsite. Ang una kong dalawang sites ay wala na - nagsara kasi ang yahoo 360 blogs ng hindi ko namamalayan. Hindi na tuloy ako nagkaroon ng pagkakataon na maisalba ang mga naitago ko sa aking orihinal na blogsite. May ilang pagkakataon na isang beses sa isang buwan lamang ako napapadpad sa aking sariling lungga. Bagamat ganito ako bilang blogeryo, nanatili parin akong aktibo sa pagbabasa ng mga dati ko nang sinusundang mga blogs, at ang karamihan sa kanila ay hindi alam na ako'y tagasubaybay. Ang internet ay isang malawak na mundo ng kaalaman. Maganda rin na source ng karunungan ang nilalaman ng isip ng ibang tao. Marami akong natututunan mula sa pagbabasa ng opinyon at karanasan ng mga kapwa ko bloggers, at totoo naman na napakaraming matatalinong bloggers sa mundo at marami dito ay mga pinoy. Bihira ako noon magbigay ng komento sa mga nababasa ko. Ang sa akin kasi dati - ang nasabi nila ay nasabi na. Period. Sumang-ayon man ako o hindi, hindi na iyon mahalaga. Hindi na ganito ang pananaw ko ngayon.
Bibihira nalang ngayon ang mga malulupit-ngunit-simple-at-hindi-sikat na bloggers. Parami na rin ng paparami ang mga humor-blogs sa mundo. Dati, si Unkyel Batjay ng kwentongtambay.com at si Nanskii ng nanskii boi's wurld lang ang mga sinusundan kong humor blogs. Sa libro naman ay si Bob Ong (hindi ko nagustuhan ang mga huling libro nya, ewan ko lang ang bagong lalabas na ikawalo). Hindi pa sila gaanong sikat noon. Sa ngayon, marami parin ang magagaling, pero bihira nalang sa kanila ang hindi sikat. Pero ano pang magagawa ko, sikat na sila. Ang importante ay gusto ko ang nababasa ko, marami man akong kasabay na bumabasa o ako lang. Pero patuloy parin ako sa paghalughog ng mga di sikat na bloggers. Masarap kasi basahin ang mga sulat ng mga bloggers na wala gaanong tagasubaybay - nagiging mas tapat kasi sila sa mga nais nilang sabihin, walang bahid ng pagpapasikat, at hindi sumusunod sa kung ano sa tingin nila ang bebenta sa mata at panlasa ng mga mambabasa at ng mga posibleng mapapadpad sa kuta nila. Isang halimbawa ng seryosong blogger na tinutukoy ko ay si Tobey - ang may-ari ng wordgasm.com. Kilala ko kasi siya ng personal, kaya nasasabi kong ang blog nya ay isang buhay na patunay na maaaring maging extension ng buhay ng isang blogger ang kanyang blog. Matalino sya sa personal, ganun din ang ganyang blog. Siya ang blog nya at ang blog nya ay sya. Siya 'yon. Puro...at walang halong pagpapanggap at pagpapasikat.
Marunong na akong mag-iwan ng komento ngayon. Dati kasi ay bihirang-bihira ako mag-iwan ng komento. May sarili akong mundo noon, at madamot ako sa kaalaman at impormasyon at pagbibigay ng papuri. Kamakailan lang, natutunan ko na isa pala itong magandang paraan ng pagpapakita ng "appreciation" sa isang kapwa-blogger. Parang isang pag-uudyok na "wag kang titigil sa pagba-blog" Ang totoo, galit ako noon sa mga tinatawag ko na mediocre-bloggers. Sabi nga nila, ang mga magnanakaw, galit sa kapwa magnanakaw. Sino nga ba ako para husgahan na mediocre ang kakayanan ng isang blogger o ang laman ng isang blogsite? Kagaya ko, maaaring ang nais lang nila ay ang makapaghayag ng mga bagay-bagay na hindi nila masabi sa mga tao ng personal, may kwenta man ito sa aking paningin o wala. Ganun naman ang lahat ng bagay, lahat ay may dalawang mukha. Maaring ang maganda at may saysay at nakakaaliw para sa akin ay isa lamang kabobohan para sa iba, at kabaligtaran. Isang bagay na natutunan ko sa pagbabasa ng mga blog ng iba - kung hindi mo gusto ang nabasa mo, kalimutan ito at humakbang pasulong. Parang pagbabasa lang ng libro, pag tapos na ang pahina, ipihit ito sa susunod, o di kaya ay isara na lang. Hindi naman kailangang pilasin ang libro o di kaya ay sunugin kapag hindi sumakto sa ating panlasa ang laman nito. Ang maaaring basura ni Pedro ay yaman ni Juan. Ano man ang nilalaman ng isang blog, malalim man ito at malaman, o mababaw lamang at matabang sa panlasa, lahat ng iyan ay pinag-isipan ng may akda.
AFTERWORD:
Blogger ako, nagpapahayag ako ng saloobin, at nirerespeto ko rin ang lahat ng aking kapwa blogger at mga sulatin nila, sang-ayon man ako o hindi, namangha man ako o nahikab, o tinapos ko man basahin o hindi. Hindi parin naman ako bigo sa orihinal kong dahilan kung bakit ako nagbablog. Dalawang buwan mula ngayon ay 2yrs na ang aking blogspot. Ipagpapatuloy ko parin ang aking online diary.
Bakit tagalog ngayon? Gusto ko lang ulit masubukan kung paano magsulat sa tagalog na may tamang pag-iingat. Sa katunayan, purong tagalog ang aking pinakaunang blog. Pero, bakit ko nga ba ito naungkat? Ewan. Hindi naman talaga importante kung tagalog o ingles ang panulat ko.
Umaga na, tama na. Byerts!
6 comments:
weeeh...yung ipopost ko sana ngayon is about blogging din..pero postpone ko muna...ayun!
ang galing mo ngang magsulat ng tagalog...namangha ako sa pag gamit mo ng mga salita..chos.ahahaha..pero thats true.
sulat nga ng sulat..kever kung gusto nila o hindi...basta ako reader mo ko...weeeeh!!
at pareho tayo ng binabasa dati..su unkyel batjay..ahehehhe..
Sarap maging blogger...
Si Glentot nag skil read!
Mag two years ka na happy anniv sa iyong blog.
Masarap talaga mag sulat lalo na kung ang target mo lang naman ay mailabas ang nasasaloob mo. At masarap ang feeling nang may nakakaappreciate nang panulat mo pero hindi talaga yun ang driving force para mag sulat bonus lang yun :-D
More entries to come! Blog on :-D
@maldito - chos! hehe.. kakaaliw si unkyel batjay dati. hanapin mo rin si nanskii boi. 2005 ko pa sila sinusundan. sila ang naunang version niyo nila jepoy at glentot.
@glentot - sapul mo men.
@jepoy - salamat sa advance greeting. XD you said it right, i couldn't agree more.
sulat lang ng sulat. yun naman talaga ang saysay ng blog. wag isipin ang iisipin ng iba. maraming tao minsan ang hindi sasang-ayon pero dun tayo natututo eh.
limang taon na akong nagsusulat, at kung babasahin mo mula umpisa. masasabing ang laki ng pinagmature ko hindi lang sa pagsusulat, kundi pati na rin sa buhay.
@gillboard - tumpak. XD sabay pala tayong nagsimula magblog, yun lang, palipat-lipat at madalas ang pagliban ko sa blog ko, hehe. nag mature ka nga, lalo na sa other blog mo.
Post a Comment